Naaalala mo ba? Nakuha ka niya sa una niyang ngiti. Ngiting minsan mong hiniling na maging PARA sa’yo, maging DAHIL sa’yo.
Natatandaan mo pa ba? Sinabi niya sa’yong hirap na siyang magtiwalang muli at hindi pa naghihilom ang sugat ng kahapon. Pero sabi mo sa kanya, “IBAHIN MO AKO, MAGTIWALA KA. Hindi kita sasaktan.”
Naaalala mo pa rin ba? Ang unang halik at unang yakap na binigay niya sa’yo. Ang lambot ng labi niyang halos AYAW MONG PAKAWALAN at init ng katawan niyang AYAW MONG BITIWAN.
Hindi mo na ba naaalala? Ang sinabi mong tunay na pagmamahal na iaalay mo sa kanya; Ang mga pangakong halos paulit ulit mong sinambit upang maniwala at magtiwala siya.
Kasi siya, hindi niya kinalimutan ang lahat ng iyan. Lumamig na ang simoy ng hangin. Nawala ang init ng gabi at ningning ng bituin. Maging ang pagngiti ng haring araw ay naglaho na rin ngunit hindi ang mga alaalang iniwan mo.
Kaya baka sakali, nawala lang sa isip mo. Baka sakali, magising ka mula sa mahimbing mong paglalakbay. Baka maisip mong nahirapan ka lang pero hindi mo pala nais sukuan. Baka sakali maisip mo, hindi ka naman nagsawa, hindi ka naman napagod.
Balikan mo ang kahapon. Ang masayang ikaw sa piling niya.
Balikan mo ang bukas. Ang pininta mong bukas kapiling siya.
Bumalik ka kung saan kayo nagsimula.