Mapuno man ng chismis ang iyong mukha,
at minsan sa salamin ay nakatulala,
huwag mong isipin at ikabahala,
dahil hindi pa naman ito malala.
Naiisip mo mang sa filter ka lang maganda,
pasensya ngunit mali ang iyong inaakala,
dahil kung ang ganda mo’y ‘di nila nakikita,
malay mo, sila’y nakapikit lang pala.
sira ulo man paminsan-minsan,
puro kalokohan kung kadalasan,
ngunit tunay ka namang mapagkakatiwalaan.
at naging blessings pa sa karamihan
Ok, seryoso na, sobrang ganda mo talaga,
bawat hugis at anggulo ng iyong itsura,
ay masasabi kong isang Obra Maestra,
Upang ako’y napapatitig at napapamangha;
Na tila ba ako’y nakatingin,
sa isang magandang tanawin
Na ayaw ko nang sa iba ibaling,
ang mga matang sayo’y nakatingin,
Lalo na ang puso mo,
na ang nakapalagi ay si Kristo,
at sa loob ay Sya’ng nakasentro,
na mas lalong nagpapaganda sa’yo.
Puso mong pinagpala,
na kay Kristo pinagkatiwala,
upang ‘di basta-basta makuha
ng mga ninjang iiwan ka ng mga luha;
Ang lalaking nakasunod kay Kristo,
ang tanging makakahanap sa’yong puso,
ipagdadasal, hihingin at luluhuran ito,
dahil puso mo’y mas mahalaga pa sa ginto.
Ang isang tulad mo ay parang paraiso,
na ‘di basta-basta napupuntahan kahit na sino,
tanging ang may pusong pursigido,
ang sya lamang makakapunta nito;
Mga bukid ay lalanguyin,
mga dagat ay aakyatin,
mga kagubata’y liliparin,
nang mapatunayan sa’yo aking pagtingin.
Alam kong naguluhan ka bigla,
sa nabasa mong huling talata,
akala mo siguro ikaw lang ang may sira,
ang nagsulat di naman, di lang halata.
Ikaw ay laman sa bawat dalangin,
na ikaw pa ay mas pagpalain,
at ang mga nais mo’y iyong maangkin,
pagkat ika’y laging tapat sa’yong tungkulin.
Sarili mo ay laging mong pakaingatan,
pagkat may nagmamahal sayo ng lubusan,
Mga kaibigan mo, pamilya mo,
si Lord
at si Ako.