May mga bagay talaga na kahit gusto mo, pero hindi pwedeng mapasayo. Minsan may mga bagay na dapat manatiling hindi mo makuha kasi para din sa ikabubuti mo. Pero minsan, kahit pa isinusubo na sayo ng tadhana ang pagkakataong ito, mas mabuti pa ring hindi mo tanggapin kasi alam mong ikaw ang magiging dihado sa dulo.
Wala sa plano ang mahulog sayo. Wala sa plano ang maging pansamantalang unan mo. Wala din sa plano ang maramdaman ko ang lahat nang ito. Hindi planado ang bawat gabing karamay mo ako sa bawat hinagpis na nararamdaman mo. At mas hindi ko plano ang agawin ka sa taong mahal mo kahit gustong-gusto ko nang gawin ito. Pero nangyari na ang lahat at hindi ko na rin pwedeng bawiin ang mga salitang nabitawan ko kasi totoo, nahulog na ako sayo.
Kabalikat mo na ako sa pang araw-araw na buhay mo. Kasama sa bawat saya at lungkot na iyong nadarama, sa bawat luhang pumapatak sa iyong mga mata na ako ang naging panyo sa iyong pagtaha, at sa bawat masasayang ganap na hindi mo masabi sa kanya kasi ako ang palaging nandyan na handang makinig sa iyong storya.
Dumating ang araw na nalaman mo kasi nga nagtapat ako ng aking nararamdaman. Kasabay nito ang kaba na baka ako’y iyong layuan. Pero hindi, hindi mo ako nagawang iwan. Hindi mo nagawang dumistansya sa lihim ko na iyong nalaman.
Gusto talaga kita, mahal talaga kita pero ayokong maging tayo. Hindi dahil sa hindi ko kayang pangatawanan ang nararamdaman ko. Hindi dahil sa takot na hindi ko mahigitan ang nagawa niya sayo. Pero mas gugustohin ko na lang na ganito tayo hanggang sa dulo kasi alam ko, alam kong imposibleng magkaroon ng salitang “TAYO” dahil ang mundo mo’y umiikot lang sa kanya at hindi sa tulad ko…..sa tulad kong kaibigan lang talaga ang turing mo.