Disclaimer: The views and opinions expressed in this article are those of the authors and do not necessarily reflect the official position of Boiling Waters PH.

Gusto kong gustuhin ka

Pero nahihirapan ako, natatakot ako. Baka kapag nagustuhan na kita ay malunod na ako sa pagkakagusto ko sa’yo, at tuluyan ko nang makalimutan ang sarili ko.

Gusto kong pahalagahan ka

Pahalagahan ang bawat araw at sandaling magkausap tayo, magkasama tayo, at bawat sandaling nakikita ko ang mukha mo. Gustung-gusto kong pahalagahan ang bawat oras na iginugugol mo, pero natatakot ako. Natatakot ako na baka makalimutan ko nang pahalagahan ang sarili ko dahil sa sobrang pagpapahalaga ko sa’yo.

Gusto kong sumugal

Sugal. Sugal na alam kong sa una pa lamang ay napakalabo na ang salitang panalo dahil kahit ilang beses akong tumaya sa sugal na ito, ay sa huli paulit-ulit lang naman akong uuwing talo.

Gusto kong ipaglaban ka

Ipagtanggol ka sa kahit kanino. Protektahan ka sa tuwing pakiramdam mo ay nakakatakot na. Hawakan ang kamay mo at iparamdam sa’yong hindi ka nag-iisa. Gusto kong ipaglaban ka sa mundo, pero hindi nga pala ang tulad ko ang gusto mong makasama sa laban ng buhay mo.

Gusto kong malaman mo

Gusto kita. Mahalaga ka sa’kin. Kaya kong sumugal para sa’yo. Ipaglalaban kita sa mundo, kung handa ka lang na samahan ako.