Hindi Kita Aagawin
Alam ko naman hindi ako ang nauna d’yan sa puso mo.
Kahit naman ngayon, di pa rin mapipinid ang tibok nito.
Hindi naman din ako ang laging laman ng isipan mo.
Dahil walang kasiguraduhan ang nararamdaman ko,
wala rin sa balak na ipaalam pa sa iyo.
Kinakausap si Bathala, nagtatanong kung ito nga ba’y ayon sa Kanyang plano.
Bakit hinayaan maramdaman ang saya pag kasama ka at ang lungkot sa tuwing iniisip kong hindi payag ang tadhana, kung lahat ng ito ay hindi naman tama?
Di rin sigurado’t malinaw sa akin ang lahat…
Oo, mahal kita, mahal kita ngunit hanggang kailan nga ba?
Baka naman kasi, dahil lang sa malapit ka,
o di kaya’y sarado pa ang puso mo sa kanya.
Dito lang ako, tatanawin lang kita, matatakot, ngunit di ako tatakbo.
Dito lang ako, maghihintay sa’yo, mababagot, ngunit di ako susuko.
Dito lang ako, kakausapin ka pag gusto mo, malulumbay, ngunit di ako lalayo…
Di ako lalayo ngunit di rin talaga sigurado hanggang saan ito patungo.
Hindi kita aagawin.
Wala akong balak na ikaw ay angkinin.
Hindi ko pipilitin, ngunit ako ay mananalangin.
Sasabihin ko kay Bathala na ikaw ang gusto nitong damdamin.
Baka sakaling magbago ang ihip ng hangin at paningin mo sa akin naman mabaling.
Hindi ko kailangan ng awa,
ang nais ko ay sagot sa puso kong nahuhumaling.
Hindi kita aagawin.
Isasara ko ang pinto ngunit hindi ko ito tuluyang ikakandado.
Mag-iiwan ako ng isang susi para iyo,
magbabakasakaling ika’y kakatok at mananatili.
Ngunit, sana naman, kung matagpuan mo’y hindi ako,
wag mong kalimutang itapon ang naiwan kong susing sawi.
Kung saan man, alam kong ito’y hindi ko na mababawi.
At sa puntong ito, hindi kita aagawin,
alam kong hindi ko deserve ang pa-ibig mo.
Lalong hindi ko deserve ang ganitong damdamin,
malabo, di sigurado, basag, at sinungaling.
Mananatili ikaw pa rin ay palalayain.
“Palayain ang sarili” , ito ang pagkakataon na ako naman ang malaya, malaya at malayo sa dating ako na sa iyo ay minsang naging balimbing.
Ngunit ako’y maghihintay pa rin,
at masasabi ko tulad noon, “Hindi kita aagawin”
dahil kaya kong maghintay,
maghintay sa taong ako ang kayang piliin.