December 31, 2019

Dear Agapetos,

Mabigat na ang talukap ng aking mga mata dahil sa maghahating gabi na. Gusto ko na sanang matulog ngunit napakahirap nga! Hindi dahil sa malakas napagsabog ng mga pasabog mula sa mga kapitbahay. O sabihin na nating isa yon sa mga rason dagdagan pa ng torotot ng mga bata sa daan na napakaingay. Hirap makatulog sa ganitong mga oras. Pero hirap akong matulog at ang totoong rason ay hinihintay ko ang message mo.

 

(Insert romantic music *********** flashback)

 

June 3, 2019

Hapon na pero ang init pa rin, pawis ay tagaktak habang sa bike ko pamapadyak. Mabigat man padyakin ng bike pero magaan ang pakiramdam. Excited na marating ang bahay mo sa tatlong rason; Una, uhaw na ako at may malamig na tubig sa refrigerator mo. Pangalawa, iinom na naman tayo ng kape dalawa. “Coffee is life but coffee with you is lifer.” Pangatlo, ngayon ko na maririnig ang sagot mo kung papayagan mo ba akong manligaw sayo. Bumaba sa bike na pawis na pawis, sinalubong ako ng aso mo na feeling ko mas excited pa siyang makita ako kaysa sayo. Lumabas ka rin ng pinto. Tiningnan mo ako na pawis na pawis. (ngayon nakita mo na wet look ko) Hindi ko makalimutan ang imahe ng isang babae na may damit na kulay ube. Kung paano ako nagagandahan ng kulay ng araw pag ito ay sisikat pa lamang ay higit pa na pagkamangha ang nadama ng muling masilayan ang buhok mo na kakulay ng papalubog na araw.

“Oh! Ano na sasabihin mo sakin?” isang tanong na aking binitawan bilang hudyat ng pag-uusap na magsimula na. Ngunit mukha mo nag-iba, na parang hindi mo alam, kung papaano sisimulan.

Tulad nitong aking paglalahad, hindi ko alam kung paano ito isusulat na hindi ka maging masama sa mga makakabasa. Hindi po siya masama, hindi po siya manloloko naipit lang po talaga siya sa isang sitwasyon. Sabihin na lang natin na may kasabayan akong lalaki na sa kanya ay nabighani. Kaso nauna lang sakin ng ilang linggo na nag paalam na manligaw. Alam ko nahirapan ka, alam ko ilang gabi mo rin pinag-isipan ang sagot mo. Kaso, wala kang sagot na nabuo. Kaya ang nangyari ako na ang nagbigay ng solusyon sa ating sitwasyon.

 

(Insert romantic music *********** present time)

January 1, 2020

Ingay na bes! Naglalakasan na ang pagsabog pero tila mas malakas ang pag kabog, kabog ng dibdib ko. Kasi hindi ako sigurado kung mag me-message ka pa ba. Pero naghihintay ako! Bakit ka pa pala mag me-message eh sinabi ko na pala sayo na may babae na akong pinag pipray kahit alam kong ang mahal ko ay ikaw lang talaga!

 

(Insert romantic music *********** flashback)

July 1, 2019

Di ko alam kung ano ginagawa mo sa pag send ko ng message na ito o ano kaya naging reaction mo ng mabasa mo, “Salamat sa lahat, salamat at nakilala kita. Dami kong natutunan sayo pero ngayon gusto ko lang sabihin sayo na may babae na akong pinagpipray. Sana wag mong kalimutan ang pangako mo na ano man ang mangyari magkaibigan pa rin tayo.”  Takenote! Sabi ko, “babaeng pinagpipray” hindi ko naman sinabi na, “may iba.” (Pero bakit nga ba may pag message na nangyari?)

 

(Insert romantic music *********** flashback)

June 3, 2019

Sabi mo, “hindi ko alam kung ano ang gagawin ko na hindi ako maging unfair.” At ako na ang nagbigay ng solution sa situation na kung saan ang dalawang lalaking nagpaalam na manligaw sayo ay wala naman sa mga gusto mo sa isang lalaki.

 

ANG SOLUTION SA SITWASYON

“Ganito na lang!” with confidence na sinabi ko. sabay dugtong ng mga salita ito, “Siya ang payagan mo na manligaw sayo instead na ako.” Gulat face ka dito with matching, “sure ka?” na tanong mo. Ayaw mo naman magpaligaw ng sabay kaya siya muna, siya naman talaga nauna na nagpaalam na manligaw. Naki-epal lang naman talaga ako love story niyo. Bibigyan mo siya ng anim na buwan para ipakita at ipakilala ang sarili niya sayo at maghihintay ako ng sagot mo kung pwede na ba kitang ligawan. At january 1, 2020 ang date na napagkasunduan na aking malaman ang kasagutan. January 1, 2020 sasabog kaya ang luha o ang puso? Mahal, mahal kita at itong desisyon na ginawa natin sobrang nakakatakot mahal. Kasi imagine with your sanctified imagination na lalabas ako sa eksena. (sabagay naki eksena lang pala ako) imagine na binabasa mo, “good morning” niya habang pinipigilan ko sarili ko na wag mag chat, bawal! di ako pwedeng manggulo kasi baka ka na naman ay malito. Imagine na binabasa mo, “Good night” niya habang iniisip na lang kita bago ako matulog. Imagine wala akong magawa habang kumakain kayo sa date niyo kasi nakiki-view lang ako sa My Day mo. Imagine kung paano ako natatakot na bukas baka mapa-ibig ka na niya at habang buhay ka na sakin mawala. Mahal alam kong ayaw mong tawagin kitang mahal pero mahal kita at tatawagin kitang mahal gaano man kamahal ng bayad mahal.

 

(Insert romantic music *********** flashback)

January 1, 2020

Mahal huwag mong isipin na pinaglaruan kita. Nag message ako sayo noong july 1, 2019 kasi gusto kong bigyan mo siya ng tamang pagkakataon na ipakita ang sarili niya sayo. Ayaw kong tingnan mo lang ang mali sa kanya with a mindset na nandito naman ako naghihintay sayo. (kahit alam ko naman na hindi ka naman ganon pero para maiwasan na rin) marahil nagalit ka sakin kasi sabi ko hihintayin kita tapos isang buwan pa lang ay ganon na lang matatanggap mula sakin. Sana naintindihan mo ang paliwanag na ito. Mahal kita! Pero kung talagang mapapaibig ka niya. Iisipin ko na lang na hindi ikaw ang inihanda ng Panginoon na babae para sa akin. Kung talagang magmamahalan kayo sa loob ng anim na buwan. Masaya ako para sa inyo. Isa lang masasabi ko, “naghintay ako sayo ng anim na buwan.”