Mahirap maniwala sa isang salita na ang bilis lang binitawan at walang kasiguraduhan. Ganyan ang nararamdaman ko sa tuwing kausap ka. Sa tuwing nakikita ka. Sa tuwing naaalala ka. Parang laging may pagdududa. Hindi ko man maintindihan, pero walang malinaw na direksyon kung saan nga ba tayo papunta. Sa ngayon nandiyan ka, pero darating rin ba ang panahon na bigla ka lang mawawala? Mawala ng walang paalam at mag-iiwan ng kabigatan sa puso kong minsan nang nasaktan. Masisisi mo ba ako kung hindi ko pa kayang magtiwala sa’yo? Baka nga puno lang ako ng takot. Takot na baka balang araw, lahat ng pinangarap ko patungkol sayo ay bigla na lang maglaho.
Bakit nga ba tayo ganito? Hindi ba pwedeng pag-usapan na lang kung ano ba talaga ang tunay na nararamdaman mo? Hindi ba pwedeng alisin mo na lang lahat ng takot ko? Pero baka isang araw magawa ko ring lumayo kaysa tuluyan na akong mahulog sa’yo. Baka isang araw kayanin kong kalimutan na naging parte ka na ng mundo ko. Baka darating ang panahon na hindi na kita hihinatayin sa araw-araw. Baka nga sa ngayon lang ito. Baka nga nadala lang ako ng emosyon ko. Kaya kung wala rin tayong pupuntahan, kakayanin kong maglaho sa buhay mo ng tuluyan.
Hindi na lang kung tayo ay panandalian lang. Lahat ng nasimulan ay masasayang lang. Kung hindi rin lang ito pangmatagalan, ngayon pa lang ay kailangan na itong wakasan. Sa matagal na panahon na naghintay ang puso ko sa tamang tao, hindi ko na hahayaan ang sarili kong masanay sa pansamantala lang ang gusto. Kaya kung hindi mo kayang panindigan ang nasimulan mo, sana hayaan mo na lang ako. Dahil naniniwala pa rin ako na balang araw, masasabi ko na buti na lang naghintay ako.