Ikaw pa rin ang gusto ko, kahit hindi na ako masyadong nagpaparamdam sa’yo. Sana maintindihan mo na ginagawa ko lang ‘to para sa sarili ko at para na rin sa’yo. Ayokong mahirapan ka pang mag-isip ng mga dahilan para lang tanggihan ang bawat pag-aya ko sa’yo na magkita tayo. Ayokong mahirapan ka pang magbigay ng mga rason kung bakit hindi mo ako pwedeng magustuhan. Ayokong mahirapan ka pang sabihin sa akin na nakakaabala ako sa’yo sa tuwing gusto kitang kausapin.

Ikaw pa rin ang gusto ko kahit na ibang tao ang ipinapanalangin mo, habang ako na araw-araw ay ipinagdadasal lang ang kaligayahan mo. Isinasama kita palagi sa mga panalangin ko, na sana lang ay malaman mo. Totoo pala talaga yung kapag nakikita mo yung taong gusto mo na masaya, ay magiging masaya ka na rin, kaya sana palagi ka lang masaya, dahil magiging mas masaya ako kapag masaya ka na.

Ikaw pa rin ang gusto ko kahit alam kong may pitong bilyon pang tao dito sa mundo, ikaw pa rin ang pipiliin ko. Hindi ko maiwasang isipin na kahit may pitong bilyong tao sa mundo, ay may kahit isang porsyento na pagkakataon na baka magustuhan mo rin ako. Ngunit sa pitong bilyong tao nga pala na pagpipilian mo, hindi pala ako kasali dahil kaibigan lang ang tingin mo sa’kin.

Tandaan mo, na ikaw pa rin ang gusto ko kahit malaman ko lahat ng sikreto mo, na pinakainiingatan mo.

Ikaw pa rin ang gusto ko, kahit malaman ko lahat ng kapintasan mo at mga ayaw mo sa mundo.

Ikaw at ikaw pa rin ang gugustuhin ko, kahit dumating yung puntong sa tingin mo ay hindi ka na kagusto-gusto. Wag kang mag-alala dahil kapag pakiramdam mo ay ayaw na sa’yo ng gusto mong mundo o ng gusto mong tao, nandito lang ako, ikaw pa rin ang gusto.

Ikaw pa rin ang gusto ko, kahit hindi mo ako gusto.