Current Article:

Isang Bukas na Liham: Sa Pagkakataong Iyon, Gusto Kong Ligawan Ka ng Tama – Hihintayin Kita

Isang Bukas na Liham: Sa Pagkakataong Iyon, Gusto Kong Ligawan Ka ng Tama – Hihintayin Kita
Categories Waiting

Isang Bukas na Liham: Sa Pagkakataong Iyon, Gusto Kong Ligawan Ka ng Tama – Hihintayin Kita

Kumusta ka na? Marahil ay nasa panahon tayo ngayon na hindi na tayo nag-uusap. Marahil ay hindi mo ako hinahanap. Pwede rin na hindi ko masabi na magkaibigan pa rin tayo pagkatapos ng mga mali kong nagawa sa’yo. Patawarin mo ako sa mga maling nagawa ko. Hindi ako naging malinaw sa hangarin ko sa’yo – marahil dahil hindi ko rin maintindihan ang sarili ko – hindi ko maipaliwanag ng maayos ang nararamdaman ko noon sa’yo. Wala rin kasi akong kakayahan para magmahal ng tama at totoo noong panahong iyon; kagagaling ko lang sa mapit na kabiguan. Pinilit kong kalimutan ang isang tao at pigilan ang sarili kong patuloy siyang ibigin; ngunit nagkamali ako kasi hinayaan ko ang sarili kong mahulog sa iyo, na aking itinuturing na isa sa aking mga mabubuting kaibigan. Hindi ko pinangalagaan ang pagkakaibigan natin dahil hinayaan kong madamay ka sa pilit na paglimot ko – hinayaan kong mahulog sa’yo, sa di tamang panahon. Nasa panahon ako noon na gusto kong makawala sa sakit ng pag-ibig, ngunit nadamay ka – dinamay kita. Dinamay kita dahil nagsimula na akong umibig sa’yo, dinamay kita sa takot ko na muling umibig, sa takot ko na masaktan at makasakit. At dahil dito, nasira ang ating pagkakaibigan, at ako ang dahilan. Nauunawaan ko ang paglayo mo sa akin at tuluyan mong hindi pagpansin. Ibibigay ko na lang ang mga panahong iyon – ang paglayo mo, para ayusin ko ang sarili ko, magpagaling sa sakit na dulot ng pag-ibig. 

Bago ang lahat, nais kong magpasalamat sa’yo sa pagkakataon na naging mabuting magkaibigan tayo. Bagamat saglit lang at hindi natin magawang magkita dahil na rin sa pandemya, salamat pa rin. Patuloy kong pangangalagaan ang pagkakaibigan natin. Bagamat nagsimula ang pag-ibig ko sa’yo dahil sa maling desisyon ko, hindi ko rin ipinagtataka na darating ang panahon na iibig ako sa’yo dahil na rin sa kabutihan ng kalooban mo, bukod sa kagandahan mo, higit sa lahat, isa kang prinsesa ng Panginoon. Kung meron man akong pinagsisihan noong panahong iyon, ay ang hinayaan ko na umibig ako sa’yo sa maling pagkakataon – na hindi natin nasulit ang pagiging magkaibigan natin.

 

Alam ko na darating pa rin ang panahon na muling magtatagpo ang mga landas natin, dahil minsan din tayong naging mabuting magkaibigan; bukod sa magkasama tayo sa iisang komunidad. Umaasa ako na sa panahong iyon, na magaling na ang mga sugat sa mga puso natin. Umaasa ako na pareho na tayong handang tanggapin muli ang isa’t isa bilang mabuting magkaibigan. At higit sa lahat, sa panahong iyon, sana sigurado na ako – sa patuloy na paggabay ng Panginoon sa akin – na ikaw na ang pipiliin ko, pipiliin ng puso ko. Sana, sa pagkakataong iyon, maipakita ko at magawa kong maging malinaw ang aking hangarin sa iyo – ang maging mabuting kaibigan sa’yo at maging katipan mo sa hinaharap. Sa pagkakataong iyon, gusto kong ligawan ka ng tama at nararapat. Liligawan kita sa harap ng magulang mo, sa harap ng pamilya mo, sa kulturang at paraang naaayon sa gabay sa atin ng mga taong kaakibat natin sa lakad natin patungo kay Kristo.

Habang wala pa ang pagkakataong iyon, patuloy akong maghihintay sa panahong iyon; patuloy na aayusin ang sarili ko; patuloy na maghihintay sa’yo. Patuloy kong ipinapanalangin na dumating na ang panahong iyon, at ihanda Nya tayong dalawa. Sa ngayon, nandito lang ako para sayo. Hindi man tayo nag-uusap, at hindi tayo magkaibigan ngayon sa paningin mo, patuloy akong mananatili para sa’yo. Patuloy kong pangangalagaan ang pinagsamahan natin, at ang pagkakaibigan na minsan nating pinagsaluhan.

 

Ang iyong kaibigan, na nagmamahal sa’yo