Isanlibong Patak ng Pag-ibig
Categories Short Story

Isanlibong Patak ng Pag-ibig

Gabi.  Habang malakas ang ulan, magkahawak kamay kami ni Paul sa ilalim ng iisang payong na naging saksi na rin sa ilang beses na pagbuhos ng ulan sa aming pagsasama bilang magka-relasyon. Sa higpit ng pagkakahawak niya sa aking kamay ay para na rin akong nasubukan sa paglaban sa ulan sa kabila ng lakas nito at naramdaman ko ang higpit ng hindi kagustuhang mawala ako sa kanyang piling. Habang kami ay naglalakad ay unti-unti rin kaming nababasa pati ang bag na aming bitbit kaya naman naghanap na kami ng masisilungan upang maiwasan na kami’y mistulang mga basang sisiw. Sa tabi ng aming pinagsilungan ay may nakita kaming mag-inang nakaupo sa malamig na sementong nahahalikan na rin ng silakbo ng ulan sa gabing iyon. Humingi ng tulong ang mag-ina sa pamamagitan ng pagtanong kung may pera ba kaming maibibigay sa kanya at ng kanyang anak na karga-karga.

‘’Nay, bibili na lamang ako sa kalapit na panaderya ng makakain ninyo ngayon at para bukas ng umaga. Pagpasensyahan niyo na po ang aking matutulong sa inyo ng anak mo,’’ sabi ni Paul. Sa kabila ng lakas ng ulan ay sinabihan niya akong pumarito muna sa ilalim ng bubong ng restawran na aming pinagsilungan at siya ay bumili ng makakain ng mag-ina na aming nakita. Nakita ko muli ang pag-ibig ko sa lalakeng unang minahal nang lubos dahil sa kagandahang-loob na kanyang ipinakita sa kabila pa rin ng silakbo ng ulan sa gabing walang patawad. Bumalik muli si Paul dala na ang kanyang nabili at ibinigay niya ito sa mag-ina. ‘’Salamat, iho. Hindi man kita kilala, alam kong pagpapalain ka. Magmahalan kayo ng iyong nobya,’’ sambit ng ale. Ngumiti lamang si Paul at hinagkan niya ako upang paglagyan niya ng tuwa dahil sa ginawa niyang pagtulong at sa gabing iyon ay unti-unti nang pinapawi ng oras ang pagluha ng mga ulap.

Sa aming pag-uwi ay hindi lubos alam ni Paul na ako’y tuwang-tuwa na nagtatalon ang puso ko sa tuwa dahil sa kanyang ipinakitang kabutihan sa kabila ng lakas ng ulan na nagmistulang pumipigil sa sayang nais makamit sa mga oras na iyon. Nakita ko sa ulan ang mga pighati na aming naranasan minsan, at ang maganda rin nitong intensyon upang ipakitang sa kabila ng ulan ay may dala rin itong paalala na sa kung ano man ang lakas nito ay hindi dapat sumuko dahil alam namin sa isa’t isa na ito’y titila rin at magbibigay ng panibagong umaga sa aming buhay.