Kalma At Gulo
Categories Poetry

Kalma At Gulo

Pagkatapos matulungan
Hindi na nagpaparamdam
Ano ba talaga?
Ganito na lang ba ang tema?
Pasensiya pero hindi talaga kasi puwede
Iyong napag-usapan natin na manatili tayong magkaibigan
Sapagkat ikaw ay nakaraan ko
At ako rin ay nakaraan mo.

Hindi puwede iyong pag nalulungkot ka
Ako ang tatakbuhan mo
Kapag hindi mo na kaya
Ako ang ite-text mo
Sapagkat, Oo ex mo ako
Pero hindi ako waiting shed
Na pupuntahan mo lang kasi kailangan mo magpahinga
Na pupuntahan mo sapagkat may hinihintay ka
Na sisilungan mo kapag maulan na
At tatambayan mo kapag wala ka’ng mapuntahan na iba.

Sabi mo ako lang nagpapakalma sa iyo
Ngunit sa tuwing ako’y ite-text mo
Ako’y nabubulabog mo.
Nabubulabog mo ang natutulog ko’ng damdamin
Nabubulabog mo ang mga multo ng nakaraan natin
Na pilit ko nang kinukulong sa dilim.

Sa tuwing ako ay ite-text mo sapagkat malungkot ka,
Nabubuhay ang lungkot na tinatago ko at kunwari’y di ko nadarama
Nabubuhay ang luha ko na ayaw ko’ng patuluin
Nabubuhay ang sakit sa dibdib ko na tila pinagkakaitan ako ng hangin

Sa tuwing ako ay ite-text mo sapagkat hindi mo na kaya,
Lumalabas lahat ng luha sa aking mata
Lumalabas ang hikbi na hindi ko na maitago pa
Lumalabas ang hagulgol at hininga’y hinahabol
Lumalabas lahat ng sakit ng nakaraan

Pasensiya
Ngunit kung ako ang nag papakalma sa iyo
Ikaw naman ang bumubuhay ng gulo sa utak at isip ko.