“Kapag madilim ang ulap”
Naaalala ko pa rin ang sandali.
Na napakadilim ng mga ulap.
Walang gustong kumilala.
Walang gustong mangusap.
Ano nga ba ang meron ako?
Bakit parang lahat ng tao ayaw sa akin?
Bakit nila ako gustong saktan?
Hindi ba ko karapat dapat mahalin?
Yan ang nasa aking isip
noong bata pa lamang
Nang ako ay mag aral sa paaralan
Puro bully na kaklase ang laman.
Lagi nilang turan…
Huwag niyong kakausapin yan!
Huwag niyong lalapitan.
Huwag niyong sasamahan
At huwag gagawing kaibigan.
Hindi ko alam..
Ganun nga ba talga sa paaralan
Pawang mga gamitan lamang ang iiral
Na kapag may kaya kang ibigay
saka ka lalapitan.
Kapag tapos na nilang kunin ang gusto
Ay bigla kang aawayin at iiwanan.
Sa sobrang dilim ng ulap
Puro luha ang pumatak.
Hindi na ko nakapagpayong
Pagkat gamit ko’y wasak.
Mula noon mas dumilim ang ulap
Hindi alam kung kailan sisilip ang liwanag.
Kinalimutan ng sarili ang salitang tiwala.
Naitayo ang pader ng pagdududa at pagwawalang bahala.
Buti na lang nagbabago ang lahat
Naibaling ang isip sa pag-susalat
Kahit sa kaibigan ako ay salat
Nakagawa ako ng sariling mundo na higit at sasapat.
Kaya heto ako ngayon naglalahad
Kung paanong ang binubuli noon,
ngayon nagkaroon ng totoong kaibigan
Kung paanong ang nilalayuan noon
ngayon ay nilalapitan at pinapakinggan.
Laging tatandaan..
Kapag madilim ang ulap…
Kulayan mo ng puti
Magsimula kang muli.
Hayaan mong dumaan
ang madilim na sandali
Kapag madilim ang ulap…
Hayaan mong pumatak ang ulan
Sapagkat sa dulo ng lahat
Ay may bahaghari kang pagmamasdan.
May bagong bukas pang na- aabang
May pag asa pang naghihintay
May buhay ka pang tinataglay
Wag kang matakot maglakbay
At sa mga ulap ay sumabay.