Kaya ko na
Categories Poetry

Kaya ko na

Takot at pangamba
Duda sa sarili kung kaya ba
Kay bigat ihakbang ng mga paa
Bakit ba ang hirap sa una

Pinalampas na opportunidad
Takot ang namayagpag
Sarili ay nangungusap
Kaya ko bang mahulog sa butas

Multo ng kamalian
Syang aking kinatatakutan
Sa lantap na karagatan
Dun ko nais sumabay

Sa layo ng nilalakbay
Mahirap tahakin ang daan
Maraming ahas na nagmamanman
Kakayanin ko ba na matuklaw

Sa gitna ng madilim na karagatan
Nagpasyang makipagsapalaran
Sumama sa paglalakbay
Takot at pangamba ay iniwan

Sa aking paglalakbay
Isa sa aking natutunan
Hindi kailangan matakot sa buhay
Sya ay kasama mo saan man

Bawat tao na aking kasabay
May kanya kanyang kwento sa buhay
Kinapulutan ko ng aral
Sandata ko sa paglalakbay

Duda sa sarili, aking isinantabi
Tiwala sa sarili, yun ang aking itinabi
Sandatang hindi mawawaglit
Hindi maaagaw kahit isang saglit

Sa aming paglalayag
May araw na panatag
Bawat isa ay nagdidiriwang
Salamat sa biyaya ng buhay

Sa panahon ng kabagyuhan
Palakasan ng kalooban
Matira ang matibay
Maiiwan na ang sumuko sa buhay

Kasiyahan sa aming mga mata
Pagkatapos ng bagyo ay makikita
Kapag paraiso ay aming naiisip
Pananabik ay hindi maalis

Ang aming paglalakbay
Hindi pa wari kung hanggang kailan
Marami pang pagsubok sa buhay
Na dapat naming lagpasan

Ngunit isang mahalagang aral
Aking pinanghahawakan
Kapag marunong kang lumaban
Makakarating ka sa iyong pupuntahan