Kinaibigan ko, kaso na-inlove ako
Categories Friendship

Kinaibigan ko, kaso na-inlove ako

Kinaibigan ko kaso na-inlove ako

“Maaari ba kitang ligawan?”, yan ang tanong nya sa akin matapos ang ilang linggong kumustahan at kwentuhan. Paano ba dapat ito sagutin ng isang tulad kong kahit kailan hindi pa naranasang magkaron ng kasintahan?

Sa panahon ngayon tunay na kayhirap tukuyin ng totoo sa pawang pagbabalat-kayo. May matatamis na dilang nagsasabing ikaw lang ang syang sinusuyo ngunit pagtalikod mo’y may isa pang reserba sakaling sayo’y mabigo. Mayroon din namang seryoso nung sabihin ang katagang “Ikaw ang sinta ko, handa akong maghintay sa matamis mong Oo”, ngunit nung sya ay nainip bigla nalang din naglaho. Nariyan din yong sinasabi nilang “maginoo pero medyo bastos”, at para hindi naman halatang bitter ako syempre hindi mawawala yung ginoong kung magmahal ay tapat at totoo.

Balik tayo sa pagsagot nung tanong ligawan, dapat bang itanong muna o ipakita nalang hanggang sa sya mismo ang may maramdaman?

Hindi ko mawari kung tama ba ang aking naging kasagutan, ang kung maaari ay umpisahan namin sa pagiging magkaibigan.

Paano ba dapat ang ligawan?

Sabi nila makalumang paraan na ng panliligaw ang may love letter na ipapadala sa iyong sinisinta. Wala na rin daw sa uso yung aabutin ng taon bago sagutin ang manliligaw, laos na rin daw yung harana at paniniwalang kasal muna bago bumuo ng sariling pamilya. Ang bilis din kasi ng panahon ngayon, para magka girlfriend o boyfriend pwede na makipagkilala sa facebook, yung imbes na isulat mo sa love letter i-type mo nalang sa messenger, yung pwede mo na syang sagutin ng “I love you, Oo…tayo na” kahit sa text message lang, maaari narin magrecord nalang ng kanta a isend nalang ng sa kanya.

Marahil walang makapagsasabi ano ba ang dapat gawin upang ninanais na kasagutan ay makamtan, hayaan nalang siguro natin na ang puso ang magdikta kung ano na nga ba at kung saan papunta.

Ngunit sa aking naging tugon sa kanya nakita ko naman na siya’y naging tunay kong kaibigan, ang naging mali ko lang ay na-inlove ako at wala sya para marinig ang sana’y isang matamis na “Oo.”