Konting Tiis Pa
Categories Depression

Konting Tiis Pa

Isang hapon bigla ko nanaman naisip isulat

Laman ng utak na basta lang nakakalat

sa dami ng problema na aking dinadala

di na alam kung pano mababawasan pa

minsan nais kong malaman, bakit ito pinagdadaaanan

inakalang ang nakaraan ay sapat ng basehan

upang magkaroon ng lakas itong aking kalooban

sa dami ng pinagdaanan, di pa ba sapat ang mga iyan?

Upang muli at muli ako ay nasasaktan

Sa ibat ibang dahilan na hindi ko inaasahan

Hay buhay, bakit ba ganyan

Patuloy mo na lang akong sinusubukan

Dahil dito, ako ay gulong gulo

Kung saan at sino na ba ang kakausapin ko

Ngunit sa panahon ng unos na ito, naglabasan ang mga tao

Na tunay na nagmamalasakit at nagmamahal ng totoo

Itong si tadhana, muli nanaman sa akin ipinaalala

Na kahit ibigay ko ang lahat, pwede pa ring mawala

Nasa matayog na pedestal ka na ng iyong karera

Paggising mo, naglaho ng parang bula

Sa ngayon, pinipilit kong ibangon ang sairili sa lungkot

Na dulot ng lahat ng umaasang puso na puno na ng puot

Oo inaamin ko mayroon din akong pagkakamali

Laging may pero at galit na di maikubli

Pero daing ko sa Maykapal ay iisa lamang

Na maintindihan ko ang kanyang mga kagustuhan

At ng hinagpis nitong puso kahit paano ay maibsan

At ibaik ang ngiti sa labi kong ninakawan

Magkagayun paman, nais ko din pasalamatan

Ang mga taong di ko inisip na ako ay pagmalasakitan

At sa mga taong sakin ay nanakit sana maibigay ko ang kapatawaran

Na kahit di nyo hingin ay kaya kong bitawan

Napapagod na ko mag isip, gusto ko lang ay magpalutang lutang

Sapagkat hanggang ngayon puso ko ay tunay na sugatan

Sana malapit lang ako kay papa at mayakap nya ko

Iiyak ng malakas at gagaan na ang pakiramdam ko

Sana pwedeng matulog ng ilang linggo ang itatagal

Upang di namaramdaman ng puso ang pagpapagal

Hay, bakit kasi di ako nasasanay

Sa sakit, hamon at leksyon ng buhay

Bago ko tapusin ang tula ng araw na ito

Bibitawan ko muna ang ilang katagang nagpapalakas ng loob ko

Darating muli ang araw na ako ay magiging masaya

At lalasapin ang pinaghirapan, mamumutawi ang pagkilala

Sa ngayon, tiis lang muna, kaya mo yan

Konting tiis pa, tagumpay ay nariyan lamang.