Actually gusto ko lang ng kausap.
Pero nagdelete ako kasi naisip ko hindi naman to tungkol saken. Bakit ko ba ginagawa to tungkol saken? Napaka self-centered ko naman?
Pero eto ako ngayon kinakausap sarili ko.
May kinausap naman ako pero.
Actually nakakatawa pero gusto lang din talaga kita makausap. Nakakatawa di ba kasi sabi nila alam mong siya na yun kapag nasa kalagitnaan ka ng masayang pangyayari at gusto mo kasama siya dun.
Pero ako may hindi magandang pinagdaanan at gusto ko lang ikuwento yun sayo. Hindi ko naman gusto makarinig ng magagandang salita. Kahit nga wala ka sabihin. Gusto ko lang sana makinig ka. Gusto kong umiyak. Gusto kong ipakita sayo na hindi ako perpekto o magaling o matapang. At kung matatanggap mo ako sa pinakamababang sandali ng buhay ko, maniniwala ako na kaya mo akong mahalin ng totoo.
At mamahalin din kita.
Alam ko maraming ibang bagay na dapat isipin at iconsider sa mga ganyang big words pero
matagal ka ng pinapaalala saken ng Diyos. Matagal ka ng dumadaan sa mga panaginip ko. At pilit man kitang kalimutan lagi kang sumasagi sa isip ko.
Tapos na ang panahon na tinatanggi ko yon. Pero bakit wala akong lakas ng loob na gumawa ng kahit ano?
Hindi ko alam kung ano mas kinatatakutan ko: ang hindi mo na ako gusto o ang gusto mo pa ako pero hindi ito ang tamang panahon.
Kaya eto ako ngayon nakatingin sa pangalan mo sa maliit na screen ng celphone inaalala lahat ng oras kung saan mukha mo mismo kaharap ko at hindi itong pangalan mo lang sa screen ng celphone. Inaalala ko lahat ng oras na nasayang dahil sa tigas ng ulo at puso ko. At nagsisisi ako na hinayaan kong tumigas ang puso ko.
Kung hindi ito ang tamang panahon…at kung kailangan ko pag magintay ng matagal…
Sige.
Sige lang.
Sanay naman akong magisa. Kahit kailan naman hindi ako nagkaroon ng ganung klaseng tao sa buhay ko. Ang pinagkaiba lang ngayon meron na akong gustong tao na maging ganun sa buhay ko.
At ikaw yun.
Kaya mas mahirap no?
Ang hirap magintay kapag alam mo na kung sino.
Sige lang. Gawin mo ang kung ano kailangan mo gawin. Pinagdadasal ko lang na sana hindi ako lamunin ng lungkot kakaintay. Na sana hindi ako lamunin nito at umabot sa punto na may magagawa akong pagsisisihan ko rin.
Minsan ding dumagi sa isip ko: paano kung may mahanap kang iba?
Naisip ko yun.
At naisip ko na kung makita kita na masaya sa piling ng iba, kung magka girlfriend ka o kung ikasal ka–
hindi ako kokontra o pupunta sa kasal niyo para sabihin itigil yun.
Hindi.
Hahahaha.
Pupunta ako sa malayong lugar at maghahanap ako ng panandaliang pantapal sa lungkot na mararamdaman ko.
Tapos.
Tapos babalik ako sa usual kong buhay. At kung may maghanap sayo–sa idea mo sa buhay ko–sasabihin kong hindi ako interesado sa mga ganung bagay.
Baka magpunta na lang talaga ako sa malayong lugar. Bibili ako ng bahay na maliit. Na may munting hardin. Na may balcony na may magandang view. Iinom ako ng kape tuwing hapon. Gigising ako sa umaga para sa mga pasyente. Uuwi minsan sa probinsya para sa magulang at kapatid ko. Gagala paminsan minsan kasama mga kaibigan. Magsisimba pa rin. Magdadasal.
Pagkatapos ay uuwi sa madilim na bahay. Tutulog sa malamig na kama.
Tapos uulitin yon lahat kinabukasan.