Isa akong call center agent, trabaho kong umalalay sa mga tao lalo na pag nangangailangan ng tulong o gabay. Pero sa naranasan ko, tila di lang natatapos sa pagtanggalng headset ang trabaho ko.
Nagsimula ang lahat sa lunes, araw na lumipat ako
ng upuan. Di inakalang magiging comportable sa isa’t isa. Tawanan dito, tawanan doon. Halos sumakit ang mga panga, humalakhak na parang walang bukas. Ganung kasaya tayo nag umpisa, na labis kong kinatuwa.
Martes nang naging mas malapit tayo. Naging mas makabuluhan ang ating mga usapan. Naging mas malalim ang kwentuhan. Nagtanong kung paano ba sumabak sa ganitong laban, kung saan ibinahagi ko ang karanasan ko sa pag amin ng damdamin sa taong hinahangaan.
Kinaumagahan, umamin ka, at lubhang gumaan ang yong damdamin. Hirap ka mang tanggapin, pero tila tinutulungan ka ng panahon at oras para makalimot.
Miyekules, araw kung saan biglang nagbago ang lahat. Dating maingay na tawanan, naging mailap, dating makulay na kwentuhan, nawalan ng gana, dating maya’t mayang asaran, nawala at nauwi sa walang pansinan. Sa labis kong pagkabahala, di ko na napansin na biglang tumulo ang luha ko sa sakit. Di namalayan na imbis na maging mas kampante, bigla akong nadurog.
Kalahating araw na, pero ganun pa rin. Siguro kailangan ko lang sanayin ang sarili ko na di lahat ng tinulungan mo, magpapasalamat sayo at ganung bagay din ang babalik.
Huwebes; tuluyan nang naging malamig ang samahan natin. Di na nag uusap, di na nagkikibuan, wala nang kamustahan, wala nang asaran. Paalala sa sarili, na di na tutulong at magiging mabait sa mga taong mapagsamantala. Sasanayin na ang sarili na hanggang sa mga ganung araw na lang mangyayari ang inakala kong magtatagal na pagkakaibigan.
Biyernes, huling araw ko sa trabaho kung saan kita nakilala. Tatapusin kong yung araw na to na hindi ka kinakausap, kinikibo, at kinukutsa. Masaya akong aalis sa kumpanya, na iiwanan ang mga pagkaibigan na hindi nagtagal. Lalabas ako sa pinto, bitbit ang bagong pag asa na dala, at sisiguraduhing wala nang sasamantala sa kahinaan ko.