Pasko’y dumating, ngunit walang kislap ang tala,
Halakhak ng tahanan, biglang nawala.
Dati’y puno ng sigla’t saya,
Ngayon, katahimikan ang siyang nagdala.
Ang upuan sa mesa, wala na ang haligi,
Mga labi ng hinagpis ang guhit sa gabi.
Ang mga yapak mo, Papa, ang hinahanap ng mata,
Ngunit tinangay na ng hangin, kasama ng alaala.
Noong ika’y nagkasakit, dasal ko’y bitbit,
Umaasang babangon ka mula sa pait.
Ngunit bawat paghinga’y tila nagiging manipis,
Ang iyong katawan, unti-unting naglalaglag ng hinagpis.
Sa pagamutan, mga aparato’y nakasabit,
Ang suwero sa braso mo’y parang kadenang mahigpit.
Ngunit sa kabila ng lahat, pilit kang ngumingiti,
Sa mukha’y bakas pa rin ang pag-asang umiigting, kahit sa dilim ng gabi.
Nagdurugo ang puso ko sa bawat pagsusuri,
Bawat turok ng karayom, bawat kirot na wari.
Hanggang dumating ang balita, na parang hangin:
“Kanser sa baga,” sabi nila, tila bangungot sa dilim.
Ilang beses kang nagtangkang bumangon,
Ngunit ang katawan mo’y nagmistulang dahon,
Unti-unting nahulog sa haplos ng hangin,
Sa bawat halik ng gabi, ako’y dumadaing.
Dinala ka namin pauwi sa ating tahanan,
Upang dito mo gugulin ang huling buwan.
Sa bawat araw na kapiling ka, binibilang,
Bawat sandali’y huling alaala ng pagmamahalan.
Sa mga gabing malamig, magkasama tayo,
Nagkukuwentuhan, nagbibiruan, umaasang aabot ka sa Pasko.
Ngunit bawat halakhak ay may halong pangamba,
Sapagkat alam kong unti-unti kang mawawala, Papa.
Hanggang sa huling paghinga mo, naroon ako,
Hawak ang kamay mong singlamig ng yelo.
Paglisan mo’y sugat na walang lunas,
Sapagkat hindi na kita muling masusumpungan, kahit isang bakas.
Ngayo’y Pasko, ngunit tila may kulang,
Ang ilaw ng parol, hindi na kasing saya ng nakaraan.
Sa dilim ng gabi, tahimik na mga dingding,
Hapdi ng nakaraan mo tila alon na dumadaluyong, dumadampi sa lambing.
Ang bawat regalo’y tila walang halaga,
Walang saya ang Pasko kung wala ka.
Init ng yakap mo’y hanap-hanap sa gabi’t araw,
Lungkot ay tila patalim na sumusugat, lumalalim sa bawat pagtanaw.
Ngunit natutunan kong muling tumayo,
Sa bawat dasal ko’y yakap mo’y naririto.
Ang diwa ng Pasko’y di sa ilaw at palamuti,
Kundi sa alaala mong liwanag sa dilim, aking tanglaw at saksi.
Sa bawat bituin na nagniningning sa kalangitan,
Ikaw ang gabay ko—tala ng walang hanggan.
Kahit wala ka na sa aking piling,
Pagmamahal mo’y buhay, laging dadamhin.
Pasko’y hindi pala tungkol sa kayamanan,
Hindi sa regalong makintab at marangyang tangan.
Kundi sa pagmamahal na walang hanggan,
Sa alaala mo, Papa, ako’y lumalaban.
Pasko’y dumating at muling magtatapos,
Ngunit ang alaala mo’y hindi kailanman malulunos.
Hindi ka man naririto, ang mga aral mo’y gumagabay,
Sa bawat Pasko, ang pagmamahal mo’y naglalakbay.
Disyembre ngayon, Papa, malamig ang simoy ng hangin,
Ang iyong pag-ibig ang aking kalakasan at dalangin.
Ikaw ang tunay na diwa ng aking Pasko,
Sa puso ko, ikaw ang liwanag na di maglalaho.
Current Article:
Liwanag na Di Maglalaho

Categories
Adulting
Liwanag na Di Maglalaho
By boss chino