Maraming katanungan na di man lang mabigyan ng matinong kasagutan. Ako nga ba ang nagkamali? O ikaw ang nagkamali kaya ako nalang ang bumitaw. 

Ako nalang ang bumitaw. 

Dahil sabi mo mas masaya ka pala nung wala ako sa buhay mo.Ilang beses ng paulit-ulit yun sa pandinig ko at wala ni pag-aalinlangan, Binigay ko ang kahilingan mo. PINALAYA KITA. 

Nagdaan ang ilang araw, nakakapagod pala makita ka na mas masaya kasi wala ako sa tabi mo. Ang sakit isiping hindi man ako ang nagkulang pero parang ako ang may mali sa di maipaliwanag na dahilan. 

Ilang linggo at buwan ang lumipas. Ganun pa din ang sitwasyon. Masakit pa din sa mata ko ang mga ngiti mo na di na ako ang dahilan. O hindi naman ako naging dahilan kailanman ng mga ngiting yan.

Anim na buwan, mukhang nakakaya ko na. Nakakaya ko na wala ka. Nasasanay na ako makita ka araw-araw na masaya sa piling ng iba. Masaya na akong pinagmamasdan ka mula sa malayo habang nakikipagkulitan sa kabarkada.Hanggang sa lumipas ang isang taon. Sumisilay na ang totoong ngiti sa mga labi ko. Bumabalik na ang sigla ko. Tanggap ko na wala ng tayo. Isang taon pa ang nagdaan, naisip ko ilang taon din tayo naging masaya hindi ako nanghihinayang sa samahan na mayroon tayo noon.

Tatlong taon na ang lumipas, buong buo na ulit ako. Muli, kaya ko ng buksan ang puso ko para sa iba. Para mahalin kung sino man siyang karapat dapat. Nakikita pa rin kita pero madalang na. Di gaya dati na halos araw-araw hindi lang kita nakikita, nakakasalubong pa.
Hanggang isang araw, nakita nanaman kita.

Sabi ko, gaya ng mga nakalipas na araw kunwari di tayo magkakilala. Pero isang hakbang ko pa, humakbang ka din ng diri-diretso patungo sa kinatatayuan ko.

Nagulat ako!

Bigla mo akong yinakap at lumuhod ka sa harap ko, sabay sabing:

“Magkano ba ang pamasahe pabalik sa dating tayo?”

Mga matang nakatitig sa ating dalawa. 

Mga bulung-bulungan nila.

Mga kaibigan mong nang-aasar pa.

Natameme naman ako.

Sinagot naman kita,

“Mukhang naphase out na ang sakayan pabalik sa dating tayo dahil mas nahanap niya ang tamang lugar para sa sarili niya”

Sa pagtalikod ko. Sumabay naman ang pagtulo ng luha ko.

Napangiti ako sa ginawa mo pero malabo na yata ibalik ang dating tayo. Kahit magbayad ka pa ng sobra sa pamasahe, di na babalik ang dating tayo. Magiging buong buo ka din. Magiging masaya ka din kagaya ko. Alam ko yan, kasi yan ang pinagdaanan ko nung pinili mo ang panandaliang kasiyahan. Gugustuhin ko pa din na lahat ng mangyayari sayo ay puros kasiyahan ang dala sa puso. Walang bahid ng lungkot at takot. Salamat sa ilang taong ng kalungkutan dahil mas naging matatag ako. Sana maging matatag ka din kagaya ko.