MATULOG KA NA, BUKAS, MAAGA KA PANG AASA!
Presently, yang statement na yan ay madalas na ginagamit ng mga kabataan or ng mga taong asang-asa na magbabago pa ang sitwasyong meron sila ngayon.
Andyan ang umasang makapasa pa rin kahit bagsak na bagsak na ang mga grades. Aasa pa rin na magkakasundo sila ng humiwalay na sinisinta. Umaasa pa ring magkapera kahit wala namang trabaho. Umasa pa ring mababago ang takbo ng buhay kahit na ito ay patapon na.
But I look at it in a positive and in biblical perspective. Sa Diyos pala ang sarap umasa. Ang sarap gumising ng alam mong aasa ka sa habag Nya. Maaga kang aasa na tutugunin Nya lahat ng panalangin mo lalo’t higit kapag ito ay ayon sa Kanyang kalooban.
Actually, masarap talagang matulog kapag nakararamdam ka ng pagod. Kapag sobrang antok. Kapag puyat ka. Kapag kulang ka nito. Kapag tahimik na ang paligid. Kapag pagod na ang talukap ng iyong mga mata. Kapag maingay na ang mga kulisap. At higit sa lahat, kapag pagod na ang iyong puso sa mga pangyayaring naganap sayo sa buong maghapon.
Hindi mo kinaya, Kaya matutulog ka na lang. Kaya ang nasa isip mo, sana panaginip na lang lahat. Para kung ito man ay mga panaginip lamang, mapapasabi ka na lang na naway gisingin ako ng mga taong may kakayanang basahin ang mga panaginip na ito.
Kaya itulog mo na ang mga pagod na iyong nararamdaman habang dinadama ang hangin ng pagpapagaling. Kasi bukas, maaga ka pang aasa sa Diyos. Pag kagising mo, lahat ay bago na.
Kahit na durog na durog ka na. Kahit na salat na salat ka na. Kahit na wala ka ng makakausap pa. Ang Diyos pala, ang kahabagan Nya ay laging dalisay sa umaga ng mga taong sa Kanya’y lubos na umaasa.
Umaga pa lang, makikita mo na kung paano kumilos ang Diyos. Pagbukas pa lang ng mata mo ay makikita mo na ang liwanag ng walang hanggang pag-asa. Makikita mo kung paano inililipat ang mga bundok. Makikita mo kung paano Nya papangalanan ang mga tala sa kalangitang matatanaw sa paghawi ng mga makakapal na ulap. Makikita mo kung paano tawirin ang malawak na karagatan ng iyong mga paang itinutulak ng masidhing pananampalataya.
Nang namatay si Hesus sa krus ng kalbaryo at muli din namang nabuhay para sayo, kasama na sa kanyang plano ang magtagumpay ka sa lahat ng laban pati ang bago mong umaga na ang tanging gigising sayo ay ang pwersang tatawagin nating pag-asa.
Habang humihinga ka pa, obligasyon mong bumangon. Magpuri ka. Magpasalamat ka. Lumaban at manalo. Manatili hanggang wakas. Dahil sa ganang habag ng Diyos, sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesu-Kristo, nakahanda na ang pinakamainam na bagay na laan para sayo.
Gumising ka ng maaga. Tapos na ang kahapon mo. Harapin mo ang ngayon upang mas maging makulay ang kinabukasan mo. Ilahad mo lahat sa Panginoon. Kapag nasabi mo na sa Kanya lahat, Siya mismo ang gigising sayo upang malaman mo na ikaw, ako, sila, tayo, ay bahagi ng planong babago at bubuo sa kwento ng buhay mong punong puno ng pagmamahal at ng pag-asang mula mismo sa Diyos na naglikha sayo.
Matulog ka na. bukas, maaga ka pang aasa!