Current Article:

May Hinihintay Ka Lang Palang Bumalik

May Hinihintay Ka Lang Palang Bumalik
Categories Relationships

May Hinihintay Ka Lang Palang Bumalik

Late ko na lang nalaman kung bakit ang hilig mo sa mga bagay na may kinalaman sa word na “comeback.” Mahilig ka makinig sa mga kantang may “magbalik” na kataga sa title. Napaka-hilig mong manuod ng mga movie na may temang “iniwan sa umpisa pero nagkabalikan sa dulo na.” Lagi kang nagpo-post sa timeline mo ng mga throwback pictures na may single word caption na “soon.” Wala pa akong nakikitang wallpaper sa phone mo na naka-display ang mukha nating dalawa. Instead, punong-puno ang gallery mo ng mga pictures na umiiyak ka o ‘di naman nakatakip ang ‘yung mukha. ‘Yung ibang pictures may naka-insert edit caption pa nga na “sayang talaga.”

Dapat pala ‘di ka nalang sumakay sa bus na pinara ko ‘nung araw na ‘yun. Dapat pala nag-MRT ka nalang para hindi nangyari ang senaryong napasandal ka sa balikat ko ‘nung nakatulog ka. Ayaw ko na tuloy maniwala sa advertisement ng “Coffe-Mate.” Aksidente lang ‘yung pagkakilala natin sa isa’t-isa. Tingnan mo ngayon, naaksidente ka din at napasandal ulit sa kanya. Ganun na ba ako ka-careless. Hawak na kita ng kanan kong kamay pero nahulog ka ulit sa iba. Ang masaklap, gusto mo pang bumalik sa nauna. Kung ganun lang ‘din pala, sana hinawakan na kita ng dalawang kamay na may kasamang paa.

Akala ko dati, paborito mo talaga ang kantang “Nanghihinayang” ng Jeremiah. Sa utak ko, “sintunado ka naman,” pero bakit paulit-ulit mong kinakanta ‘yang kantang yan sa aking harapan. Napag-alaman ko sa kapitbahay niyo na theme song niyo pala ‘yun nung kayo pa. Kaya naman pala naghiwalay kayo, ‘di ka kasi marunong pumili ng kanta. Dapat kasi “Boom-tarat-tarat” na lang para wala kayong dahilan para maghiwalay. Dati, gusto kong manuod ng “Avengers.” Pero pinagpilitan mo talaga sa akin na panuorin na lang natin ang pelikulang, “50 First Dates” ni Drew Barrymore at Adam Sandler. Pagkakaalam ko, kwento ‘yun ng babae na may amnesia at 50 times pinaalala ng lalaki ang unang pagkakataon na nagkakilala sila. According sa research ko sa ex mo dati, never ka naman niyang nadala sa sinehan. Nagdi-date lang kayo dati sa batuhan o ‘di kaya sa damuhan. Hindi ako rude sa’yo. ‘Yun ang sinabi ng bunso mong kapatid na sinuhulan ko ng “ice candy” para magsalita lang.

May hinihintay ka lang palang bumalik. Sayang naman ‘yung pinambili ko nang polaroid na camera para memorable ang mga pictures mo. Ang hirap kaya kunan ka sa iba’t-ibang angulo. Hindi naman sa nagrereklamo ako bilang “Personal Photographer” mo. Nanghihinayang lang ako sa mga pictures na naka-save sa phone gallery ko. Kahit punong-puno na nang naka-save na mukha mo ang phone ko. Hindi ko siya kayang i-delete kasi para sa akin, lahat ‘yun perpekto. ‘Yung style ko nalang, everytime na mapupuno ang storage card, bumibili na lang ako ng bago. Pero baka sa ngayon, kailangan ko nang magbura. Nanghihinayang ako sa mga pictures mo pero mas naaawa ako sa sarili ko. Nanghihinayang ako sa mga memories pero paano naman ako uusad kung pinapa-alalahanan ako ng lahat ng pictures ng mukha mo.

Kung may hinihintay ka lang palang bumalik, edi sana ‘di ka na dumating diba. Sayang naman ang pamasahe na pinanlibre ko sayo kasi bumiyahe ka pabalik sa kanya. Sayang naman ang T-shirt ko na “One Piece” na nabasa ng laway mo habang nakasandal at natutulog ka. Akala ko nananaginip ka ng “cartoons,” ‘yun pala naglalakad ka sa damuhan na iba ang kasama. Sayang naman ang load at pagpupuyat ko gabi-gabi kaka-antay sa mga reply mo. Sabi mo  tulog ka, ‘yun pala nasa Araneta Coliseum ka, nanunuod ng basketball kasama ang tropa niya. Paano ko nalaman? Ipinakita sa akin ng kapitbahay mong tsismosa ang selfie mo with caption, “With the Gang,” ano ka miyembro ng Yakuza? Paano ko napilit ang kapitbahay mo? Binayaran ko lang naman ang tatlong case ng Redhorse na inutang mo at ipinainom sa mga tropa niya na sa akin nakalista. Selfie-selfie ka pa sa loob ng Starbucks habang ako “Yakult at Delight” ang tinitira.

Kung may hinihintay ka lang palang bumalik, edi sana ‘di ka nalang dumating diba. Edi sana, hindi nalang kita niyayang magkape na may Coffee-Mate na kasama.

 

Ctto: Google on Display

Parkenstacker

BoilingPoint