Muntik na, muntikan nang mahulog sa bangin,
Hindi masukat ang lalim,
dahil palalim ng palalim ang pagtingin na palihim,
Mahirap tumingin, dahil sa tuwing titingin ay lalong dumidiin ang hangarin,
at pangarap na ika’y maging akin,
Kaya anong mainam na gawin?
Tama bang hintayin nalang ang dadamdamin na maglaho sa dilim?
O umamin kahit parang pag suntok lang ito sa hangin?
Muntik na, maniwala sa matatamis na salita,
Sa tuwing nangangamusta, ang akala ay baka interesado ka, malaman ang istorya sa maghapong ginawa, kahit karamihan doon ay inisip lang kita.
Pero iba, ibabalik lang pala ang pag-asa at mga baka, na baka may tyansa, na baka pareha ang nararamdaman nating dalawa, ngunit baka naglalaro lang ang imahinasyong pambata,
Na sana matupad ng lampara ang hangarin na hanggang hangarin lang pala.
Muntik na, magpang abot ang panalangin at tadhana,
Ngunit hindi mababago ang nakatakda na,
Dapat pala’y handa ka, sa digmaan ng puso at isip na nagsasabi na baka may pag asa pa at wala na talaga!
Ngunit tama na, ang panghihinayang,
Dahil hindi sayang, ang kamuntikang
Paghulog ay hindi parang, kasawian na lantarang ipapaalala ang mga nakaraang nasayang lang, dahil sa katotohan ay itinakda nang, mamunga at matuto sa mga akalang wala lang, ngunit may pakinabang.
Tama na, ang kadramahan, tama lang ang mga kaganapan, napagdaanan, at karanasan sa mga muntikan ngunit may aral na matututunan,
Matuto tayong pasalamatan ang may akda ng istoryang ating ginampanan,
At maniwalang hindi pa tapos ang kwentuhan, hanggang sa matagpuan,
Ang patunay, na sa bawat muntikan ay may magandang tagpuan.