Sa bawat magagandang himig, ikaw ang laging nasa isip
Ang iyong tinig ay musika sa aking pandinig
Sa tuwing ang gabi ay malamig, yakap mo ang tanging nais
Sa pagmulat ng mga mata ikaw ang unang naiisip
Ang iyong mga matang kasing ningning ng mga tala sa langit
Na akala ko kailanma’y aking hindi makakamit
Kapag nandiyan ka’y nawawala lahat ng pait
Sa paghihirap ko noo’y ikaw ang naging kapalit
Ngunit pagkatapos ng saya ay mayroong sakit
Wala nang ibang masambit kundi bakit
Bakit biglang nagbago at umalis?
Bakit nakalimutan at nawala ang tamis?
Sa dami ng paraan mas pinili mo’ng lumayo
Wala na ba’ng dahilan upang hindi sumuko?
Sabihin sa akin kung saan hindi naging sapat
Sa dami ba’y makakasulat na tayo ng aklat?
Sa magagandang himig hindi na napapangiti
Ang dating masayang musika napalitan na ng hapdi
Ang mga gabing malamig hinagpis na ang bitbit
At sa pagmulat ng mga mata dibdib ay sumasakit
Gumuho ang lahat no’ng gabing lumisan ka
Kahit na ako’y nagmakaawa wala ring nagawa
Kamay mong bumitaw hindi ko na makuha
Nawalan na ng ningning ang mga tala
Ngunit ngayo’y kailangan nang tanggapin
Na ikaw ay hindi na sa akin
Mga mata mo’ng malayo na ang tingin,
Wala ba ba’ng pag-asang tumingin muli sa ‘kin?
Balang araw magkikita tayo’ng muli
Sana ay kaya ko nang humarap at ngumiti
Sa muling pagningning ng mga tala
Liwanag sana’y sa’yo pa rin magmula