Current Article:

Oo, Sinabi Kong Okay Lang Pero Di ‘ko Sinabing Hindi Masakit

Oo, Sinabi Kong Okay Lang Pero Di ‘ko Sinabing Hindi Masakit
Categories Relationships

Oo, Sinabi Kong Okay Lang Pero Di ‘ko Sinabing Hindi Masakit

Nag-aaral pa tayo nun sa kolehiyo nung sobrang nangungulit ka mapa-oo lang ako

Sabi mo mahal mo ako

Ayun, naniwala naman ako

Sino bang hi-hindi sa panunuyo mo?

Nagtapos muna ako ng kolehiyo bago kita sinagot,

Ang pangarap ko, unti-unti kong inabot

Kahit nag-aaral ka pa, di ka nakalimot

Una pa lang, ayoko talaga sa’yo hanggang sa puso ko ay lumambot.

“Mahal” yan ang gusto mong tawagan natin

Tinanong mo pa ako kung ayos lang bang yan ang gamitin

Nung una, nag-alangan akong gawin

Hanggang sa puso ko’y mayroon na itong diin.

Maayos ang lahat, naging masaya tayo

Nagsimula na nga ang pag-ibig ko sa’yo

Parang araw-araw, gusto ko ikaw kasama ko

At madalas ko ng nasambit ang mga salitang “mahal ko”.

Sa una, mababaw lang ating mga pinagtalunan,

Konting “sorry mahal ko”, tampo ay wala ng paglagyan

Para bang mga batang nag-aasaran

Pero lubos na nagmamahalan.

Inabot tayo ng isa, dalawa, tatlo, apat na taon

Puno ng pagmamahal ang bawat pagkakataon

Sa wagas na pag-ibig natin, saksi ang Panginoon

Kaya marami tayong nalagpasan na hamon.

Away dito, away doon

Naghihiwalay na lang taon-taon

Ngunit mga pinagsamaha’y di kayang basta itapon

Kaya patuloy na nakipagsalaran sa dagat na malakas ang alon.

Subalit dumating tayo sa hangganan

Bawat puso’y sobrang nasaktan

Pagkat ikaw ay aking itinuring ng tahanan

Kaya ako’y patuloy  na lumaban.

Sabi mo ayaw mo na

Kaya hindi na ako umasa

Na tayo’y magkakabalikan pa

Tinanggap na lang kung ano ang tadhana.

Ngunit may isang mabuting kaibigan

Na sa aki’y nakipag-ugnayan

Sa kanya’y aking nalaman

Na nais mo sa aki’y makipagbalikan.

Tumalon ang puso ko sa tuwa

Kahit anung nangyari, ako’y sa iyo’ y walang sawa

Kaya walang ibang ginawa

Kundi ika’y hintaying sa aki’y magpakita

Ilang beses nga tayong nagkita na parang magkasintahan

Sa bawat sandali’y ramdam na iba na ang iyong pagkakakilanlan

Ni hindi ko na alam kung ako pa’y iyong kailangan

Sa bagong buhay mong puno na yata ng kasiyahan

Naguluhan ka, naguluhan ako

Ang ginagawa natin tila ba’y isa na lang laro

Ang tadhana’y para bang nagbibiro

Na pwedeng sa susunod na araw, may isang tuluyang mabibigo.

At dumating na nga ang malakas na bagyo,

Hindi ka pa muling nakasampa sa barko

Subalit napakagulo ng salitang “tayo”

Hanggang sa masasakit na nga ang mga salitang nagmula sa iyo.

Oo, Sinabi Kong Okay Lang Pero Di ‘ko Sinabing Hindi Masakit

Ako’ y iniwan na puno ng bakit

Para bang kaligayaha’y sa akin ay ipinagkait

Isip at puso’y napuno ng galit

Pagmamahal ay napalitan ng sobrang sakit.

Pero heto ako ngayon,

Masiglang bumabangon

Handa sa kahit na anumang hamon

Sama ng loob  ng kahapon, nais ko ng ibaon.

Kasabay nito ay ang aking pagmo-move on

Sa taong sobrang minahal ko sa loob ng anim na taon.

Salamat, mahal ko, sa huling pagkakataon

Sana masaya ka sa kung anung meron ka ngayon.

Alam ko minahal mo rin ako nang sobra

Ngunit lahat ng sobra ay nakasasama

Kaya siguro di tayo ang itinadhana

Pero, salamat sa Ama sapagkat ika’y aking nakilala.

Tamis ng unang pag-ibig ay aking naramdaman,

Ngunit ngayo’y kailangan ng magpaalam

Sa masasayang alaala na iyong iniwan

At sa maraming taon na ating pinagsamahan at sa ati’y ipinahiram.

Aking unang pag-ibig, sayo’y ito na ang aking huling paalam.