Paano mag move-on kung nakakasama pa kita? Nakakausap pa kita at nakikitang kasama niya. Nakakasalubong ka tuwing umaga, tuwing tanghali, tuwing gabi. Minsan hindi ko na maisip kung anong dapat gawin. Magmokmok o magliwaliw sa tuwa dahil hiniwalayan na kita. Oo, inaamin ko, ako ang nang iwan, ako ang nakipaghiwalay dahil sa mga di ko na maintindihang mga bagay. Mga bagay na pilit iniintindi kung bakit sa ating dalawa nangyayari.
Paano mag move-on kung nakakasama pa kita? Kasama kita sa mga bagay na aking ginagawa mula paggising hanggang sa pagtulog. Kasama ka sa aking panalangin, sa aking panaginip. Minsan hindi ko maisip kung bakit nakikita ka pa sa mga bagay sa aking paligid. Dapat ko ba itong ipagluksa o ikatuwa? Ipagluksa dahil may kirot pa rin pag naiisip kita. Ikatuwa dahil wala ka na, wala nang tayo. Wala nang sakit, wala nang pagtatalo. Pero, oo, inaamin ko, natutuwa ako. Natutuwa akong makita kang masaya sa piling niya.
Paano mag move-on kung nakakasama pa kita? Kasama kita sa aking mga pangarap. Kasama ko ang mga ala-ala natin na kailan man ay di nawala. Mga ala-alang nakaukit sa aking puso’t isipan na kahit minsan ay di ko kinalimutan. Dapat ko bang pagsisihan na ikaw ay aking sinaktan? Hindi ko masagot ang mga tanong. Mga tanong na kaytagal ko nang pinag-isipang sagutin at kung sagutin ko man ay natatakot akong mapaghusgahan.
Paano mag move-on kung… mahal pa rin kita? Lumipas na ang isang dekada.