Isa. Dalawa. Tatlo. Ilang hakbang pa.
Dahan-dahan akong naglalakad habang nakatuon sa akin ang kanilang mga mata
Pero malabo silang lahat dahil sayo lang ako nakatingin sinta
Dinadama ko ang bawat segundo't minuto ng pinakamahalagang araw na ito
Dati ay pangarap ko lang ang lahat ng ito, hindi ko inakalang magkakatotoo
Naaalala mo pa ba kung paano tayo nagkakakilala?
Magkaklase tayo noon.
Dati na kitang napapansin, hindi dahil matalino ka o gwapo
Kundi dahil parating magkasalubong iyang kilay mo, akala ko ika'y suplado
Pero pinatunayan mong mali ako.
Maling-mali ako.
Mga araw, linggo, buwan, at taon ay lumipas
Hanggang sa di ko na namalayang magkasama na tayo bawat oras.
Ikaw yung tipo na may handang panyo para pamunas sa mga luha ko
Ikaw yung tipo na handang magmukhang baliw para lang mapatawa ako
Ikaw yung tipo na nanlilibre ng sorbetes sa kanto kapag tinotoyo ako
Ikaw yung tipo na buong-buo ang suporta sa lahat ng ginagawa ko
Ikaw yung tipo na bigla na lang hahawakan ang kamay ko
Ikaw yung tipo na sa isang ngiti mo lang kumpleto na ang araw ko
Higit sa lahat, ikaw yung tipo na gusto ko lang kilalanin nung una
Ngunit di ko pinlanong ibigin sa huling banda.
At sa araw na ito, mag-iisang dibdib na tayo.
Magsusumpaan na hanggang sa dulo, ikaw pa rin at ako.
Isa. Dalawa. Tatlo.
Patuloy pa rin ang aking paghakbang.
Ngunit sa bawat hakbang ko patungo sayo,
Ay sya ring hakbang mo papalayo.
Isa. Dalawa. Tatlo.
Hanggang sa di na kita maabot.
Hindi na kita matanaw.
At bigla-bigla, nagising na lang ako.
Panaginip lang pala ang lahat ng ito.
Isa. Dalawa. Tatlo. Apat. Lima.
Limang taon.
Heto pa rin ako, nagtatanong, nag-iisip, nalilito.
Kapag sinabi ko bang mahal kita, mamahalin mo rin ako?
Oo o hindi?
Ngunit paano kung hindi?
Tama bang mahalin ka ng higit pa sa isang matalik na kaibigan?
Tama o mali?
Ngunit paano kung mali?
Paano na tayo, Bes?
Current Article: