Alam kong hindi lahat ng tao ay may kakayahang maghintay, may naiinip, may sumusuko,
kaya nagpapasalamat ako sayo dahil mas pinipili mong bigyan ako ng oras para sa sarili ko.
Binibigyan mo ako ng oras para makita ko kung ano ba talaga ang aking halaga,
para makita kung saan ko ba talaga gusto pumunta.
Salamat dahil hindi mo ako minamadali,
sa isa’t isa, mga sarili nati’y hindi kailangan itali.
Binibigyan mo ako ng oras para mas kilalanin pa ang sarili ko,
Kasabay ng pagkilala ko sayo.
Salamat dahil hindi ka nakakalimot na ipaalala sakin lahat ng aking pangarap,
Kahit minsan pakiramdam ko lahat ng ito ay imposible at mahirap.
Kasabay ng pagkilala ko sa kung sino ba talaga ako,
Ay ang pagkilala ko rin sa buo mong pagkatao.
Ngayon palang naman sinasabi ko na sayo,
Araw-araw pinagdarasal kong sana may pagkakataong maging tayo.
Pero sa ngayon, diretso muna ang tingin,
Hindi pa kasi oras para ikaw ay maging akin.
Sa langit palagi kong hihilingin,
Na dumating ang araw para sa atin.
Sa ngayon, pangarap muna para sa sarili,
Sana maabot natin lahat ng ating minimithi.
Araw-araw, ikaw ang sagot kapag ako ay pinapili.
Sana hanggang dulo, ikaw ay manatili.
Sa ngayon, patawad dahil hindi ko pa kaya,
Patawad dahil kailangan muna natin lumaban mag-isa.
Patawad dahil hindi ko pa maibigay ang saya,
Na dapat mo sanang araw-araw mo nadarama.
Hindi kita pipigilan na kumilala at tumingin sa iba,
Dahil alam kong ibibigay kung talagang para sa akin ka.
Naniniwala akong kahit sino pa ang makita mo at makasama,
Kung ako ay para sayo, sa dulo, sa akin ka parin pupunta.
Pag dumating ang oras at ibigay ka Niya talaga sa akin,
Pag lahat ng pangarap para sa sarili ay naabot na natin,
Pag lahat ng sakit at pait ng nakaraan ay hindi na kailangan isipin,
Pangako, mahal ko, sayo lang ako titingin.
Wag ka sanang magsawang maghintay,
Dahil kung tayo talaga, pangako mahal ko, mamahalin kita habang buhay.