Current Article:

Panandalian lang pala, akala ko totoo na

Panandalian lang pala, akala ko totoo na
Categories Relationships

Panandalian lang pala, akala ko totoo na

Isang buwan. Dalawang buwan. Ilang buwan mo din akong pinasaya. Binigyan ng mga mabulaklak na salita. Mga pangakong sa isip ko’y di mabura. Pero ano nga ba tayo? Wala.

Tayo ay dalawang tao lamang na sumubok pasayahin ang isa’t isa. Sumubok maging bahagi ng ating araw at ng mundo. Sumubok tingnan kung hanggang saan nga ba tayo.

Hanggang saan nga ba tayo? Hanggang doon nalang. Hanggang magkakilala nalang. Hanggang mga taong nagpuyat para makausap ang isa’t isa, nagnakaw ng mga oras para maaliw, para miminsan maging masaya.

Pilit kitang kinalimutan pero sa iyo pa rin ang isip ko napupunta. Ikaw ang daang pinilit kong tahakin kahit mahirap, paliko-liko, paiba-iba. Pero sa huli, wala, ako lang din ang talo. Hindi pala ako ang nais mo, iba pala ang daang tinatahak ko.

Hindi pala tayo pareho ng takbo. Ibang ikaw pala ang tinahak ko. Yun pala ay ikaw na ginuhit ko, ang ikaw na binuo ko mula sa mga bagay na pinakita mo, ang ikaw na akala ko hanggang dulo.

Sana nilakasan ko nalang pala ang loob ko. Sana nagtanong nalang ako, “Saan nga ba ang daang ‘to patungo?”, “Nasa parehong pahina ba tayo?”, o diretsahang “May pag-asa ba tayo?”

Edi sana buo ako, sana hindi ako naiwan ng mga tanong na wala nang sasagot kasi umalis na. Ako’y pahingahan lang pala, panandaliang saya.