Disclaimer: The views and opinions expressed in this article are those of the authors and do not necessarily reflect the official position of Boiling Waters PH.

“Pana-panahon ang pagkakataon, maibabalik ba ang kahapon…”

Munting mga kamay na sa aking mukha’y humahaplos. Mga matang sa aki’y nakatitig habang ako’y natutulog. Yakap na mahigpit na ang katumbas ay langit. Mga ala-alang kailanma’y hindi ko na maibabalik.

Masarap balikan ang panahon na ako’y munti pang bata. Mga kahapong ang tanging nakatanim ay mga ala-ala ng aking kabataan sa piling ni ama. Sa murang edad ko’y napagtanto ko na ang tunay na kahulugan ng katagang ‘Haligi ng Tahanan’. Walang lakas ang isang dahon kung walang sangang makakapitan. At tulad ng isang anak, kailangan niya ng isang amang siyang gagabay sa kanyang paglalakbay.

While you are busy reading this article, try mo rin makinig sa episode namin:


Bata pa lamang ako’y nasaksihan ko na ang matamis at mapait na pagsisikap ng aking ama para sa pamilya. Dumaan siya sa madugong pawis, sa makitid na daanan at hinarap ang mundo mabigyan lamang ang kanyang mga anak nang maginhawang buhay. Siya ang taong walang hindi kayang gawin. Isang taong nahihirapan man ay pilit na nagpapakatatag. At kahit ilang hampas man ng alon ang sa kanya’y sumalubong, siya’y hindi matitinag sapagkat buo ang kanyang determinasyon.

Sa paglipas ng panahon, unti-unting bumabaliktad ang mundo. Ang dating mahina ay unti-unting lumalakas subalit ang dating malakas ngayo’y unti-unting humihina. Ang dating kamay na sa iyo’y nakagabay ngayo’y siyang hahawak sa iyong balikat upang kumuha nang lakas. Ang noong ngiting nakasilay sa kanyang mga labi, ngayo’y simbolo ng tagumpay niya para sa anak na minimithi.

Sa kabuuan, walang katumbas ang pagmamahal ng isang ama. Lumipas man ang maraming araw at magbago man ang ikot ng panahon,  subalit ang kanyang mga ala-ala kailanma’y sa limot ay ‘di maibabaon.

BinibiningEma 🌺

Send me the best BW Tampal!

* indicates required