Para kay K
Categories Move On

Para kay K

Tatlong salita ang nagsimula ng ating kwento. I love you.

Pero tatlong salita rin ang tumapos dito. I kissed her.

My heart didn’t just break, it shattered. Durog na durog. Wasak na wasak.

‘Yung apat na taon natin nagwakas sa tatlong salita.

It was the very first time in my life that I felt empty inside. ‘Yun bang araw-araw, umiiyak ka nalang habang pinipilit na pulutin ‘yung mga durog na piraso ng puso mo na kahit sa pagpulot mo nasusugatan ka pa rin kasi taksil talaga ang mga alaala. ‘Yun bang araw-araw, pinapatay ka mismo ng sarili mong utak dahil lang sa mga walang hanggang tanong na:

“Saan ba ko nagkulang?”

“May mali ba sakin?”

“Hindi ba talaga ako kamahal-mahal?”

“Minahal mo ba talaga ako?”

“Mahal mo pa ba ako?”

‘Yung tuwing gabi, bago ka matulog, maaalala mo na naman lahat tapos may mga luha na namang tatakas. Punyeta, inilabas mo na nga lahat nung umaga pero hindi pa rin pala ubos. At sa pag-iyak mo, maiisip mo rin kung paano niya kaya nagagawang matulog nang mahimbing habang ako, eto, umiiyak… Tapos ang maiisip mo nalang na sagot:

“Ay, may iba na nga pala.”

Masaya. Oo. Masaya talaga. Masaya na ko para sa’yo. Alam kong minsan na rin kitang napasaya pero mukhang hindi pa rin sapat kaya naghanap ka nalang. Pero sana ngayon, sa nahanap mo, tuluyan ka na maging masaya. Hayaan mo na ako, magiging masaya rin ako balang araw.

Masakit. Oo. Masakit talaga. Pero may nakapagsabi sakin, na mahalin ko raw nang mahalin ‘yung tao hanggang sa wala na ‘yung pagmamahal. Damahin ko lang rin ‘yung sakit hanggang sa isang araw, ‘di ka na masasaktan.

Mahirap. Oo. Mahirap talaga. Minsan na kasi siya naging “parte” ng buhay mo, e. Pansin mo ba? In-emphasize ko ‘yung isang salita. Kailangan natin tanggapin na may mga taong parte lang talaga ng buhay natin at hanggang doon nalang sila. Hanggang doon nalang kayo. Pinagtagpo lang tayo para mayroon tayong matututunan nang sa tamang panahon, ‘yung natutunan natin na ‘yon, e, magamit natin.

Sorry. Oo. Sorry talaga. Sorry kasi nagkulang rin naman ako. Siguro hindi nga sapat para sayo ‘yung mga ginawa ko. Siguro inakala ko okay tayo pero hindi pala. Sorry, nabulag ako. Sorry, napagod ako lumaban.

Salamat. Oo. Salamat talaga. Salamat kasi ngayon alam ko na kaya ko pala magmahal nang sobra at totoo. Salamat sa mga memories na habang buhay mananatili sa puso ko. ‘Yung mga tawanan, saya at kwentuhan natin. Salamat kasi pinasaya mo ako. Salamat kasi minahal mo ako.

Wag ka mag-alala kasi ‘di lang naman ako mag-isang lumalaban ngayon. Kasama ko si God. Sa kanya ako humingi ng tulong. Sinabi ko lahat sa kanya at ipinaubaya ko na sa Kanya ‘yung sarili ko. I asked Him to heal me. Pinagdasal ko rin na balang araw, alam ko, ibibigay niya sakin ‘yung lalaking mamahalin ako nang buong-buo. ‘Yung ‘di ko na kailangang magmakaawa para lang ‘di niya ako iwan kasi in the first place, hindi sasagi sa isip niya na iwanan ako. Alam ko ibibigay ni God sakin ‘yun kapag ready na ko, kapag okay na ang lahat. Kahit gaano pa katagal, maghihintay ako.

Pero sa ngayon, ako muna… Unahin ko muna sarili ko. Mamahalin ko muna ulit sarili ko kasi nakalimutan ko na, e. Masyado ko nabigay sayo lahat ng pagmamahal ko, nalimutan ko magtira kaya nung iwan mo ko, ako ‘yung sirang-sira. Uunahin ko muna sarili ko pati si God para sa susunod, buong-buo na ulit ako. Para kakayanin ko na ulit magmahal at masaktan kasi ‘yung panahon na ‘yun, alam ko na siya ‘yung hiniling ko kay God.