Para sa Babaeng Malapit sa Puso ng Mahal Ko

 

Ayokong mamuhi sayo dahil mabait ka naman talaga, pero nasasaktan ako kapag mas mabait ka sa kaniya. Masaya ako kapag nagkakasama tayo na puro tawanan at pagkukwento ng mga nakaraan—nakaraang pag-ibig, pagluha at pagbangon. Napapaisip tuloy ako kung paano ka magkwento sa kanya at ano ang nagiging reaksyon niya. Na sa tuwing magkakasama kayo ay naitatanong ko sa sarili ko kung nasasagi ba ako sa isip niya o tuluyan na niya akong nakakalimutan dahil IKAW ANG  MAHALAGA KA SA KANIYA.

 

Masakit, pero ayokong magtanong. Masakit, kaya mamanahimik na lang ako. Makukuntento sa pakikitungo niya na tila malabo pa sa mundo ang pakikitungo, ngunit maliwanag pa sa buwan ang pakikitungo niya sayo. Ang swerte mo, dahil sa tuwing sinusubukan kong tawagan ang kaniyang telepeno ay nag-iiba ang linya neto. Sinasabing may ibang katawagan pero alam ko na sa sarili ko kung sino—ikaw.

 

IKAW, kaibigan kita, mahal kita. Malapit ka sa puso ko pero mas malapit ka sa kaniya. Kung hindi man muling magtatagpo ang landas naming dalawa at mas magiging masaya siya sa piling mo, buong puso kong tatanggapin na ako ang talo sa kwento ng pag-ibig na ito dahil ikaw ang pinili ng taong mahal na mahal ko.