Para sa iyo ito, aking “pansalamantalang saya”

Hindi ko alam kung saan sisimulan
Ang kuwentong ito na parang walang kataposan,
Hindi ko alam kung paano sisimulan ang kuwento ko tungkol sa iyo simula noong unang buwan,
Paano at saan nga ba sisimulan?

Nakilala kita sa oras na di ko inakala,
Sa mga oras na ako’y tuluyan ng nakalaya
Nakilala kita sa oras na ako’y hindi na lumuluha,
Sa mga oras na ako’y muli nang tumatawa

Nakilala mo ako sa oras na wasak ang iyong puso,
Sa mga oras na mundo mo’y parang gumuho
Nakilala mo ako sa oras na kailangan mo ng saklolo,
Sa mga oras na luha mo ay tumutulo

Eto, dito, ganito tayo nagsimula
Dalawang taong di magkakilala,
Dalawang taong kabaliktaran ang tadhana,
Dalawang taong naghahanap ng pag-asa

Noong una ay di ako sigurado,
Maraming tanong umiikot sa aking ulo
Ako’y nagdalawang isip, ako’y aminado
Kalaunan, ako’y di na nakatanggi sa mga mensahe mo

Binuksan ko ang isip ko sa mga di sigurado
Binigyan ka ng pagkakataon para makilala ako,
Hindi alam anong meron sa iyo,
Ang gaan mong kausap, kahit kuwento mo’y parang gago

Nagsimula sa kuwentong kabobohan,
Di kalaunan, ang ating kuwento ay naging mas makabuluhan
Ngayon parang ang hirap ng pakawalan,
Mga kuwento natin ay mas naging makahulugan

Alam ko ang mga kuwento mo tungkol sa kanya,
Alam ko paano ka nawasak nang nawala siya.
Alam kong siya ang makakabuo sa iyo,
Alam kong merong dulo lahat ng ito

Hindi ko alam saan lahat ng ito patungo
Nagugulahan talaga ako,
Isip at puso ko ay nalilito
Bakit kailangan ba maging ganito?

Bakit ang hirap mong pakawalan?
Bakit sa bawat sambit mo sa kanyang pangalan,
May kirot akong nararamdaman
Kailangan ba talagang ako’y masaktan?

Aminado ako,
Baka nahuhulog na nga ako
Bakit kailangn sa iyo?
Sa iyo na may kahati sa iyong puso?

Pero ganon pa man,
Alam ko lahat ng ito ay may hangganan
Siya’y di mo mapakawalan
Siya ang iyong hangganan

Kaya bago matapos lahat ng ito,
Nagpapasalamat ako sa iyo
Salamat sa mga oras mo,
Salamat sa mga kuwento mong pabibo

Salamat at naramdaman ko ito,
Mga emosyon kong pabago bago
Minsan masaya ako,
Minsang naiinis ako

Salamat, dahil binigyan mo ako ng tawa
Salamat, dahil nakaramdam ulit ako ng mga luha
Salamat, dahil may isang ikaw
Salamat, dahil sa kalungkotan, ikaw ay aking naging ilaw

Alam kong lahat ng ito ay pansamantala
Alam kong lahat ng ito ay patapos na
Alam kong di ako magiging masaya
Dahil sa dulo alam kong may dalang luha

Salamat sa pansamantalang laya,
Salamat sa pansamantang tawa
Salamat sa lahat ng aking “pansamantala”
Para sa iyo ito, “aking pansalamantalang saya”.

Exit mobile version