Para Sayo, Aking Pangarap.
Categories Waiting

Para Sayo, Aking Pangarap.

Para sa aking Pinapangarap,

Ilang taon na ang lumipas, simula nung huli tayong nagkita.

Sa lugar kung saan ika’y nakilala at bumuo ng munting alaala.

Munting alaala na hanggang ngayon ay inaalagaan ko pa rin sa aking puso at isipan.

Akala ko balewala na. Akala ko hanggang duon na lang. Akala ko parte na lang ng nakaraan.

Ngunit sa bawat araw na dumadaan, walang minuto ang lumilipas na hindi ka naiisip.

Gusto man kitang kamustahin ay hindi ko magawa, dahil baka hindi mo naman ako pansinin.

Laging naghahangad na mapansin mo ang pangalan ko sa dami ng nagrereact sa mga posts mo.

Nag-aantabay na lumitaw ang pangalan mo kahit sa MyDay ko lamang.

Oo, yuon lang, masaya at kuntento na ko.

Sa ngayon.

Oo sa ngayon. Dahil naghihintay lang ako ng tamang panahon.

Sa bawat araw na gusto kitang kamustahin,

Ay sa Diyos na lang ako laging nagtatanong.

“Panginoon, kamusta po siya? Kamusta po health niya? Kamusta po work niya? Kamusta pamilya niya? Kamusta social life at financial life niya? Maayos po ba ang spiritual life niya?”

Kasunod nuon ay ang panalangin.

Panalangin para sayo.

Panalangin para sa pamilya mo

At panalangin para sa relasyon niyo ng Panginoon.

Oo aking pangarap, kasama ka lagi sa mga idinadalangin ko.

Hindi pa man tayo ulit nagkikita,

Ay nabihag mo muli ang puso ko.

Ang kilig na naramdaman nuon ay ganuon pa din ngayon.

Lagi kong inilalambing sa Panginoon, na muli tayong pagtagpuin.

Pagtagpuin upang ituloy ang ating naudlot na pagkakaibigan.

Ang pagkakaibigan na mauuwi sa pag-iibigan bilang magkasintahan.

Ang magkasintahan na mauuwi sa kasalan.

Gusto kita.

Gusto kitang mas makilala pa kaysa nung una.

Gusto kitang maging kasintahan.

Gusto kitang maging asawa.

Oo, ikaw ang pangarap ko.

Pangarap na makantahan mo gamit ang iyong magandang tinig at galing sa pagtugtog ng gitara.

Pangarap na ako’y iyong maipagluto ng paboritong pagkain.

At pangarap na makasama ko habambuhay.

Pero,

Habang ako ay naghihintay,

Asahan mong magpapahubog ako sa Panginoon.

Gagawin ang mga kailangang gawin.

Mag-eenjoy sa presensiya ng Panginoon.

Upang maiwasan ang dapat iwasan,

Talikuran ang dapat talikuran,

At dumaan tayo sa tamang gawain at proseso ng pagiging magkasintahan.

Hindi ako aasa sa iyong pagkilos.

Ngunit ako ay patuloy na umaasa na ito’y pangyayarihin ng Diyos sa hindi natin inaasahang pagkakataon.

Aking pangarap, unahin muna natin ang Panginoon.

-Ang Iyong Prinsesa