“PAREHO NG PAHINANG BINABASA”
Categories Waiting

“PAREHO NG PAHINANG BINABASA”

“Ano ka ba? Balang araw matatagpuan mo din yung taong nasa pareho mo ng pahina at pareho kayo ng librong binabasa. Hindi mo kailangang hintayin.Pahinga mo muna iyang puso mo. Madalas, dumadating iyon sa di mo inaasahang pagkakataon. ”

Sa tinagatagal-tagal ko nang nabubuhay sa mundong ito. Sa dami-dami nang tindahan ng libro o library na pinuntahan ko. Sa dami ng nobela o kwentong nabasa ko, wala pa din talaga akong matagpuan na suwak para sa akin. Hindi ko alam kung nabasa ko na ba o napuntahan ko na? o baka pinakawalan ko lang at hindi nakita? Kaya ayun, nawala na nga. Pero hindi! Hindi ba ang sabi nila kapag ayun na iyon, mararamdaman mo? Kapag ayun na iyon, hindi mo iyon palalagpasin o pakakawalan? At kung sakaling, hindi ko nga sinasadyang napakawalan… naniniwala akong tadhana ang gagawa ng paraan para mapasaakin iyon… kasi nga iyon ay nakatadhana para lang sa akin. Kasi nga, iyon yung makakatagpo po ko sa parehong pahina, sa parehong librong aming binabasa.

Ang dami ko nang pinuntahan, ang dami ko nang inalisan. Naiwan, naghabol, tumakbo pa pabalik, naghintay. Wala pa din. Puro, isang upuan o biruan, tawanan, tapos sa huli, paiiyakin ka, sasakatan ka at ayun, ending part na! Nakatapos na naman ako ng isang libro pero wala pa ding nakasabay, wala pa ding nakakatagpo. Sabi ng kaibigan ko, wag ko daw kasing hintayin, wag ko daw habulin o hanapin. Kasi, kusa daw iyong dadating para sa akin. Hala! Naglalakad ba ang libro? Joke! Pero pwera biro, sa dinami-dami ng mga mambabasang katulad ko, wala ba talagang para sa akin? O sadyang mainipin lang ako at napepressure sa mga nakikita sa mundo? Pinagdasal ko na din naman siya kay Bathala. Pero baka kaya hindi ko din matagpuan kasi hindi pala katulad kong libro ang hawak? Hay! Ang gulo naman. Napapagod na ako!

Makikisabay na lang siguro ako sa agos ng buhay. Baka kaya hindi rin dumadating kasi naiinip ako… kasi iba ang tinitignan ko. Ito na lang ang gusto kong mangyari kung sakaling dumating siya. Sana iyong taong makakatagpo ko sa iisang pahina… sana pareho kami ng librong binabasa, at sana ako yung leading lady sa librong iyon. Hindi mahalaga kung sa umpisang pahina niya ako natagpuan o nagkita kami sa gitna o kahit sa hulihan. Ang importante, nagtapo kami. Ang importante masaya ako, kami. Kasi sobrang tama ng lahat. Kasi nagkita kami sa iisang pahina, kasi pareho na kami ng librong binabasa.