Patawad.
Patawad kung ako’y unti unti nang lilisan.
Patawad kung ikaw ay akin nang iiwan.
Salamat sa lahat ng pagkakataong naririyan ka sa aking tabi. Sa tuwing dumarating ang gabi.
Salamat sa lahat ng malalakas na tawanan maging din sa malulungkot na sandali. Salamat sa mga pagkakataong hinayaan mo akong ikaw ay aking yakapin mula sa iyong likod, sa mga gabing hindi ko masabi ang lungkot ng aking damdamin.
Salamat sa pakikinig sa mga reklamo ko sa buhay, sa pagsabay sakin sa tuwing ako’y nagpapanic.
Sa pakikinig minsan sa mga kwento kong wala naman kuwenta. Hinayaan mo lang akong mag-kuwento ng kung anu-ano kasi sabi mo okay lang yun sayo.
Salamat sa pang-unawa. Salamat sa mga salita mong nagpapagaan sa aking loob.
Patawad nga pala.
Patawad kung masyado akong naging malambing. Napagtanto ko na hindi ko nagawang bantayan ang ating puso. Masyado akong nagbuhos ng panahon sayo, pero ako naman ay di sigurado sa aking tunay na nadarama. Patawad kung siguro naisip mo na may gusto ako sayo. Oo gusto kita, aaminin ko. Pero hindi yun sapat para magbuhos pa ako ng damdamin, dahil di ako sigurado sayo. Dahil hindi ikaw ang lalaking pinapangarap ko.
Hanggang magkaibigan lang talaga siguro tayo.
Hanggang dun lang ang kaya kong maibigay.
Dahil ang pusong hindi sigurado, makakasakit lang nang lubusan.
Unahin muna natin ang ating Panginoon.
Siya ang magbibigay ng tamang tao para sa akin at sayo.
Yung taong sa atin ay magiging sigurado.