Puhon

Sa kabila ng ngiti,
Sa mga hagalpak na aking naririnig,
Sa mga biro na iyong binabato at
Sa mga saya na iyong pinapakita.

Sa likod ng mga iyon,
Sa apat na sulok ng silid,
may istoryang walang nakakaalam
Na tanging unan lang ang saksi
Sa mga luhang lumalabas,
Mga mensaheng gusto mong iparating ngunit walang nakakapansin.

Sabi nila, ang salitang “ayos lang” ay isa sa mga maskarang ating sinusuot.
Salitang ang daling sabihin
Subalit may sakit na kinukubli.

 

Napansin kita sa karamihan,
Tumigil ako at pinakinggan,
Mga hinaing na pinagpaliban,
Mga sumbong na ipinagwalang bahala.

“Estranghero ako” yan ang iyong sambit.
“Bakit walang takot?” Nagtatakang tanong sa paglapit.
Ika’y nahihiwagaan sa mga tulong na hindi mo inakala.

Hindi kita kilala,
Hindi ko rin alam ang buong storya sa mga sugat ng iyong nakaraan,
Gayunpaman,
kusang titigil para makinig
Sa mga salitang hindi mo nasasambit.

Sino ka nga ba sa likod ng maskara?
Kapag walang matang nakatingin sayo,
Ano nga ba ang tunay na nadarama?

Maaaring mababaw lang ang pagkakakilanlan ko sayo,
Gayunpaman, gusto ko lang malaman mo:

Hanga ako sayo
Kung paano mo piniling bumangon
Sa mga araw na nabibigatan.

Matatag ka.
Hindi dahil sa mga laban na iyong pinagtagumpayan,
kundi sa mga laban na hindi mo sinukuan
At sa mga talo na pilit mong sinubukan.

matapang ka.
Dahil pinili mong sumulong
Sa kabila ng takot na iyong naramdaman.

Hanga ako sayo,
Sa puso mo Estranghero,
Dahil alam kong Kinaya niya at kakayanin pa.

Subalit,
katulad ng mga magagandang araw
may kalakip na sakit at problema
Gaano ka man kalakas,
May mga panahon na ika’y matutumba

Kapag nangyari ‘yon,
gusto ko lang malaman mo
hindi masamang magpahinga
Sa mga panahon na pagod ka na,
hindi ibig sabihin nito ay sumusuko ka,

Kung pa’no lumubog ang araw at sumikat ulit
Malaya kang magpahinga,
Dahil ito ang paraan para kumuha ng lakas Para sa muli mong pagbangon.

Hangga’t nabubuhay tayo sa mundong ibabaw,
Hindi natin maiwasan na tayo’y masaktan.
Sa kabila nito, walang sugat na hindi naghihilom
Katulad ng mga masamang araw na sinusundan ng magandang araw.
Gaano man katagal ang taglamig darating ang araw na ito’y lilipas din
ganun din ang mga masasakit na alaala, na sa tingin natin ay hindi magwawakas

“Bitaw” ang pinakamahirap na gawin.
Lahat tayo may mga bagay na hindi natin kayang pakawalan.
Ngunit parte ito ng proseso na hindi natin kayang takasan.
Para makalaya sa dilim ng nakaraan kailangan mong lumakad at harapin ito.
Kapag dumating ang araw na ‘yon
Na handa ka na,
simulan mo sa pagsabing “paalam”
Sa mga masasakit na alaala
Na matagal mo ng hinawakan.

“Ang pagbitaw ay nangangahulugan ng kalayaan”.

Patapos na ang taon na ‘to
Ngunit may bagong kabanatang magbubukas,
Magandang istorya na malapit ng marinig,
Mga ngiti na muling masisilayan

Puhon

By Grace Pluggedin

Habakkuk 3:17-19

Exit mobile version