Imulat mo ang iyong mga mata, nakikita mo ba?
Ibat-ibang kulay na ipininta ng mga taong nag-akalang isa ka lang papel na kasing linis at saya ng anghel.
Kaya lumapit siya habang binubuhos ang kulay na nagbibigay ng buhay sa paligid mo.
At oo, aminin mo, naging dilaw ang araw na dati’y init lang ang kahulugan.
Naging bughaw ang kalangitan na puno ng maitim na ulap na puro bagyo ng lungkot ang bumabalot.
Pero bigla siyang lumisan, kaya ang dilaw at bughaw na ang nagkulay ng dagat ng luha mo.
Posible nga ba na malunod ang isang mabigat na pusong walang laman kundi pag-sisisi sa berdeng karagatan?
O lulutang ka lang, na may umaagos na kalungkutan mula sa iyong mga mata, habang nanginginig ang iyong kalamnan sa lamig, dahil wala nang init ang araw sa iyong kalangitan.
Pero may bagong dating, at ngayon, rosas naman ang kinulayan, tulad ng dugo na dumadaloy sa katawan mo, mainit, tulad ng apoy — siya ang naging araw mo, at ang nagkulay sa mga bituin sa dilim.
Ang sinag ng kanyang ngiti, at ang pag-gising niya sa iyong bawat himbing, umikot na ang mundo mo sa araw na nakaka-baliw at nag-bibigay aliw.
Ang sining na unti-unting nabibigyan ng diin, biglang kumulimlim at sinundan ng nakakabinging daing.
Ang unang pag-alis ay nasundan hanggang sa hindi mo na mabilang. Ang kulay na nabuhos sa iyong buhay ang nagpa-ingay sa maliit at munti mong mundo.
Hindi mo na maintindihan kung ano ang sining na nabuo matapos ang gulo.
Imulat mo ang iyong mata, nakikita mo ba?
Ang dating malinis at mapayapang papel ay hindi mo na makilala matapos mong hayaang iba ang magpinta sa sining mong likha.
Wala na. Paano na?
Walang ibang papel na pwede mong magamit o ipalit sa sira at gulo mong inaangkin.
Iniwan ka nila na may sining, hanggang sa maipon ang pait, sakit, at galit na dumumi sa linis na dati mong dala.
Ang sana’y nakaka-bighaning pagkakamali ng pag-ibig, ay napatungan ng isa pa, at isa pa, at isa pang kulay itim na pighati hanggang dilim na lang ang nakikita ng iyong mga mata.
Ang dating pagmamahal mo sa sarili ay nawala.
Ang kulay na nagpatingkad sa iyong munting mundo ay nasira.
Ang sana’y isang obra maestrang iyong nilikha ay nagbago na.
Ano ka na? Sino ka na? Paano na? Tapos na ba?
‘Di mo na ba hahayaang may pumasok na iba para mag-pinta?
Kaya heto, kunin mo, ibuhos mo, ang isang puting pintura.
‘Di man niya mabura ang kalat ng nakaraan, matatakpan naman ang mga kulay ng sakit at dating nasirang pag-ibig.
Mag-simula ka muli. Tapusin mo ang iyong sining ng mag-isa, o kundi ay hayaan mong may sumama sa iyong pag-likha, pero ‘wag mong hayaan na sila ang mag-kulay ng mundo mo.
Imulat mo ang iyong mata, nakikita mo na ba kung sino ka bago dumating ang iba?
Higit ka sa isang papel na kasing linis at saya ng anghel, dahil ikaw mismo ang kulay mundo mo.
Current Article: