Disclaimer: The views and opinions expressed in this article are those of the authors and do not necessarily reflect the official position of Boiling Waters PH.
“ISA PANG ARAW NA IKAW LANG ANG KASAMA”
Mga salitang gusto kong bitawan at sabihin sayo pero tila bang nag aalangan dahil sa oras na sambitin ko ang mga salitang yan, alam ko kung saan ang papatunguhan.
May papatunguhan nga ba o hanggang dito nalang.
Isa pang araw na ikaw lang ang kasama
Habang nakatingala sa langit at pinagmamasdan ang kislap ng mga bituin na parang sinasabi saakin,
“Nandiyan na sa tabi mo pero parang napakalayo pa din”
Mga salitang pinapaganda pero sinasampal ako ng katotohanang nakakatakot pala magmahal. Madaming tanong na bakit na hindi man lang mabigyan ng kasagutan. Gaya ng katahimikan na nakakabingi dahil hindi alam kung ako ba ang unang magsasalita o ikaw. Gaya ng mga ngiti mo na para bang may nakatago pero hindi ko mapagtanto kung ano. Gaya nga mga paghawak natin ng kamay habang naglalakad, kung totoo nga ba o panaginip lang.
Nakakagago, diba?
Isa pang araw na ikaw lang ang kasama
Magkakape tayo tapos pag usapan natin kung gaano ka ginago ng mundo at kung paano ko paghahandaan ang posibilidad na gaguhin din ako ng mundo. Hindi ko man sabihin sayo pero sana ramdam mo. Marahil tama nga si Chito Miranda,
“Binabasura ng iba ang siyang pinapangarap ko”
Tinatanong ko din sarili ko kung bakit hanggang ngayon nandito pa din ako. Kasi siguro araw-araw kitang pipiliin. Mali, araw-araw kitang pinipili. Di ko kayang bitawan yung taong kumumpleto sakin ngayon. Di ko kayang isuko yung taong binigyan ako ng napakaraming rason para subukan ulit. Ang alam ko lang, handa akong sumugal kahit gaano pa katagal. Mahal, Ganoon kita kamahal.
Isa pang araw na ikaw lang ang kasama
Maglalakad lakad tayo patungo sa kawalan.
Kung saan ang mga pusong sugatan nakakahanap ng karamay. Maglalakad tayong magkahawak ang kamay at umaasa akong hinding hindi ka bibitaw. Kung madami man ang rason na ibato sayo ng mundo para bumitaw, pakiusap Mahal, humanap ka ng isang rason para sumugal at lumaban. Kasi ako, ganoon ang ginawa ko. Mas matimbang nga siguro yung pagmamahal kesa sa sakit na nararamdaman. Aasa akong di ka bibitaw dahil ako di kita kayang bitawan. Kaya kong kumapit hanggang sa maging buo kana at wala ng duda.
Isa pang araw na ikaw lang ang kasama
Uupo tayo sa dalampasigan at pagmamasdan ang paghampas ng mga alon habang inaalala lahat kung saan tayo nagsimula. Pag-uusapan ang mga nangyaring di inaasahan lalo na ang pagmamahalan na di napigilan. Mula sa simula na sana ay wag muna magwakas. Sa totoo lang, hindi ko alam kung kaya ko pa bang sumubok ulit kung ito man ay magtapos ng walang patutunguhan.
Pero hindi naman masama magbakasali diba na balang araw, hindi ko na kailangan magtanong. Hindi ko na kailangan ipilit dahil ikaw mismo ang magbibigay ng rason para di matapos to.