Nahuli kong muli ang sarili ko ngayong gabi na nalulunod sa mga ideya patungkol sa iyo. Nagkamali ako sa pag-aakalang, wala nang katiting na nararamdaman, ngunit heto ako’t muling napapa-isip, muling nagtataka. Bakit nandito na naman ako sa sitwasyong napagdaanan na? Paano nangyaring hinihintay na naman kita?
Paulit-ulit kong ipinaalala sa sarili ko, na hindi ko na tatanggapin ang muling pagbalik mo. Subalit heto ka, muling nagbabalik at alam kong alam mong hindi ako nakadama ng pananabik. Kabisado na kita, at nakikita ko na ang iyong bubuuin na istorya, at hindi ko na nais na muli ay maging bahagi pa. Ilang ulit kong pilit na tinapos, ang anomang ugnayan na pilit mong muling binubuo. Ilang ulit kong sinubukan, na ika’y balewalain, na ikaw ay ‘di pansinin. Ilang ulit, ilang ulit kitang tiniis dahil alam kong walang naghihintay sa atin maliban sa mga pangakong walang patutunguhan, maliban sa katiting na pag-asang mayroon tayong magandang mapupuntahan. Wala. Sapagkat ang tanging mayroon lamang tayo ay ang kawalan.
Ngunit hibang ako, kung ipipilit kong wala nga lamang ang lahat ng ito. Sapagkat alam ko, na sa pagitan ng kawalan na ito, hinihintay ko ang pagtupad mo sa iyong mga pangako. Hinihintay kita, na bigyan ng kulay ang mga planong ilang ulit ko mang itanggi, subalit sa kahit katiting na paraan ay alam kong pilit kong pinanghahawakan. Hinihintay kita, wala man o sadyang malabo lang ang katotohanan sa kung ano talaga ang iyong nararamdaman. Wala mang linaw ngunit hinihintay kita. Hinihintay ko ang gagawin mong hakbang mapawi lang ang sanlibo kong pag-aalinlangan sa iyong katapatan. Hindi ko man maamin, duwag man akong harapin itong katotohanan, ngunit iyong ang totoo. Ilang ulit ka mang nawala o mawala, nanatili ako, mananatili ako.
Sa pag-asang muli kang magbabalik, sa gitna ng kawalan kung san paulit-ulit mo akong binitawan at muling bibitawan.