Akala ko madaling magmahal. Akala ko rin basta mahal ko, okay lang na hindi niya mahihigitan ang pagmamahal na binibigay ko. Ayos lang yun. Basta ang importante masaya ako. At makita ko na kahit paano, masaya din siya. Nagtagal naman kami. Yun nga lang hindi ko alam kung ako ba talaga. Mabait siya. Sweet din. Kaso parang hindi ko makita na ako talaga ang gusto niyang makasama habang buhay. Kahit dayain ko pa, ramdam ko na ayaw niya lang akong masaktan. Nakakainis din minsan kasi hindi niya ako hinahayaang magisa. Lagi pa rin niyang pinaparamdam na nandiyan ang presensiya niya kahit malayo ang puso niya. Nagtiis naman ako. Actually, matagal tagal din yun ah. Kasi umasa ako na baka magbago pa at bumalik yung dati. Yung dating sa puso ko nararamdaman ko na ako talaga. Natatanong ko na lang ang sarili ko minsan, “May mali ba ako?” “Hindi pa ba sapat ang ginagawa ko o sadyang nagsawa nalang siya?” “O baka naman may iba?” Nakakabaliw minsang isipin ang nga ganung bagay. Yun nga lang, mahal ko talaga siya. Sige lang, ang sabi ko sa sarili ko. Kaya ko pa.
Kaso dumating ako sa puntong ayoko na pala. Nakakapagod. Parang ako nalang lagi ang nagpaparamdam na mahal ko siya. Ako nalang ang nagpaparaya. Sinabi ko rin dati sa sarili ko na kaya kong magtiis dahil mahal ko siya. Pero tingin ko wala namang patutunguhan. Bigla kong naiisip paano kung ipinagpipilitan ko lang talaga? Na may ibang nakalaan para saakin at ganun din siya? Sa puntong yun, alam ko dapat ko nang tapusin. Bakit pa itutuloy kung sa paghihiwalay din lang pala mauuwi ang lahat, diba? Sapat na ba na panatilihing nandiyan ang isa’t isa pero wala na ang dating “kayo?” Mas nakakasawa.
Kaya sa ngayon, tama na. Tama na muna.
Kahit masakit, alam ko mas makakabuti saamin na magpatuloy ng malayo sa isa’t isa. Tinapos ko na ang lahat saamin. Gaya ng hinala ko, parang inaantay lang niya akong magsabi. Napakabait nga niya talaga. Hindi niya ako tinanong o inaway man lang. Tinanggap niya ng kusa. Pinakamasakit na bahagi ay nung sinabi niya na sana masaya daw ako sa desisyon ko. Aantayin pa rin daw niya ako. Napatawa nalang ako. Ayaw ko na e. Tingin ko naman, I deserve to be treated better. I want to feel love in action. Pero nawala nalang bigla.
Alam mo ang natutunan ko matapos ang ilang taong pagiging kampante sakanya? Na hindi sa tagal nasusukat kung kayo talaga. Tska ang “love” hindi talaga feelings lang e kundi “commitment.” Na kahit magbago man ang “feelings” hindi magbabago ang turing niyo sa isa’t isa kasi pinanghahawakan niyo na kayo pa rin kahit anong mangyari. Tapos sabay niyo pa ring ibabalik ulit ang anumang nasira o nawala. Na kapag may problema, walang iwanan talaga. Well, tama na nga. Di naman natin mababago ang kahapon. Di rin maibabalik ang tapos na. Walang ibang paraan kundi iwanan ang nakaraan at magpatuloy kahit hindi ka pa handa.
Sana lang kapag nagmahal ako ulit siya na. Di naman ako natatakot nagmahal ulit e. Pero sana sa susunod hanggang wakas kami na.