Sabi ni Laida kay Miggy, “Mahal kita, mula noon, hanggang ngayon, pati na no’ng in between.”
Sa pelikula, Miggy and Laila were separated for two years. Miggy had a relationship sa in-between. Laida, on the other hand, didn’t.
Sabi naman ni Basha kay Popoy, “Poy, ako na lang. Ako na lang ulit.” Popoy also was having a relationship with Trisha for 1 month na that time. Basha didn’t. Two years later, after everything was healed, they got back together.
Ito ‘yung mga pelikulang gustong-gusto nating panuorin dahil sa mga pelikulang ito, mayroong second chance. Mayroong redemption.
Ilang buwan na rin no’ng huling beses kitang nakita. Tandang-tanda ko pa kung paano ko nakita sa iyong mga mata na wala ka na ngang gana. Na pagod na pagod ka na. Hindi mo lang masabi kasi nararamdaman kong ayaw mo kong makitang masaktan. Naramdaman ko ang pagmamahal mo sa simula. At sa simula, naramdaman ko kung paano mo unti-unting nabago ang takbo ng buhay ko. Pero hindi rin nagtagal, tila ang iyong dating nag-iinit na pagsinta ay nawala nang parang bula.
Alam ko ang mga maling nagawa ko. Baka sobra nga ang mga nasabi ko. Baka napagod ka na ngang pakinggan ang mga tumatakbo sa isip ko. Baka nga hindi pa talaga ako buo. Baka kahit Isang lalaki lang ang hiningi ko sa Panginoon, hindi pala ito ang para sa akin.
At sa ngayon, unti-unti ko nang tinatanggap na baka hindi nga ako ang para say’o. Unti-unti nang lumilinaw ang katotohanan na hindi lahat ng nagmamahal ay nagkakatuluyan, at hindi lahat nakakatuluyan ang una nilang minahal. Unti-unti ko na ring tinatanggap na hindi lahat ng mahal ay binabalikan.
Gusto ko na namang humingi ng tawad sa’yo, pero sa panahong ito, mas gusto kong humingi ng tawad sa sarili ko. Dahil hanggang ngayon, hindi mawaglit sa isip ko na paano pala kung iba ang mga ginawa ko? Kung iba ang mga naging desisyon ko? Pipiliin pa rin kaya ako ng lalaking minahal ko? Hindi ko alam ano na ang mga nangyayari sa’yo. May iba na ba? Mahal mo pa ba ako? May gusto ka na bang iba? Ayoko na rin malaman. ‘Di bale na siguro. Hindi ko nga alam kung mahal pa rin kita o baka naman kasi umaasa pa akong babalik ka kaya hindi kita mabitiwan sa puso ko.
Sabi nga ni Aprilyn sa Finally Found Someone, “Dear Future Husband, aayusin ko muna ang sarili ko. Sana mahintay mo ako.”
Kung sino man ang para sa akin, sana mahintay niya ako. Hanggang sa araw na tuluyan ko nang makalimutan ang una kong pag-ibig.
Dito lang aka maghihintay sa pagitan ng wakas at simula. Pero hindi na kita hihintayin. Hihintayin ko na ang mga bagay na paparating, mga pagpapala, at mga pangarap na aking hinihiling. Hihintayin ko ang raw hindi ng iyong pagbabalik kundi ng pagbabalik ng mga ngiti sa aking mata.
Dito lang aka maghihintay sa pagitan ng wakas at simula. Maghihintay ako nang punong-puno ng pag-asa at pananalig sa Panginoon at sa mga bagay na gagawin pa Niya.