Current Article:

Sa taong minsan kong naging paborito: Ito ang aking Huling Paalam

Sa taong minsan kong naging paborito: Ito ang aking Huling Paalam
Categories Move On

Sa taong minsan kong naging paborito: Ito ang aking Huling Paalam

Ito nanaman, dinadaan sa sulat ang mga nararamdaman. Kahit pa sa bawat paglapat ng aking mga kamay sa aking telepono na limang taon ko na ring hawak, ay parang inaasinan muli ang mga sugat. Masakit, mahapdi, at mapait. Pero alam ko na ito ang kailangan para sa wakas ako na ay mamulat. Ang alat, ganito pala ang lasa ng luha no? At sumabay pa nga ang pagbuhos ng ulan saking nararamdaman na para bang nagsasabing iiyak mo lang ang lahat ng yan.
Hindi ko lang lubos maintindihan, bakit may mga bagay na maganda pero kailangang matapos, kung bakit may mga pinagtatagpo tapos pinaglalayo, may mga taong sasabihing mahal ka pero hindi ka kayang piliin, at kung bakit hindi ka handa sakin pero sa kanya kayang kaya mong sumugal. Ngayon, naiisip ko yung sinabi mong “Hindi ako pumupusta kapag alam kong talo ako”. Siguro nga, kapag ako ang pinili mo..olats ka. Alam ko na, hindi nga siguro talaga ako pang-dulo, na sa istorya mo isa lang talaga akong panggulo.
Naalala mo pa ba nung sinabi mo na totoong mahal mo ako..na bigyan lang kita ng panahon at aayusin mo yung mga dapat mong ayusin. Naniwala ako, pero hindi ko akalain na ako pala yung gulo na aayusin mo, ako pala yung aalisin mo sa buhay mo. Ang sakit sakit mong mahalin.
Pinapalaya na kita, malaya ka ng maging masaya sa desisyon na pinili mo ng hindi iniisip kung anong mararamdaman ko. Malaya ka ng gawin lahat ng gusto mong gawin ng hindi iniisip kung anong sasabihin ko. Malaya ka ng ipahayag at ipakita sa lahat kung gano mo siya kamahal ng hindi iniisip kung anong iisipin ko. Salamat sa apat na buwan, salamat sa panahong inilaan mo sakin at pagkakataong maramdaman na higit ako  sa isang kaibigan. Apat na buwan na puno ng away, pero naging sobrang masaya ako. Pinapalaya ko na rin yung sarili ko, malaya mula sa mga bagay na nagnanakaw ng kapayapaan at kasiyahan ko. Malaya sa sitwasyong hindi ko naman ginusto pero sobra akong winasak. Malayang magsimula uling buuin ang sarili at pulutin ang bawat pirasong nawala sa pagkatao ko.
Sa taong minsan kong naging paborito, masaya akong masaya ka..pero sana maging masaya narin ako. Sana naman kahit papano maging patas ang mundo. Hindi ko na pipilitin pang pagtugmain ang mga salita at pagkasyahin sa isang tula gaya ng hindi ko na rin pipiliting ako ang iyong piliin. Hindi pa ito ang pang sampu pero ito na ang huling sulat kong ilalaan para sayo.