Current Article:

Wakas na nag-iwan sa akin ng bakas

Wakas na nag-iwan sa akin ng bakas
Categories Relationships

Wakas na nag-iwan sa akin ng bakas

Punong-puno ng katanungan kung bakit mo iniwan. Mga pangakong binitawan mo ay nasaan? Pagsikat ng araw at paglubog ng buwan, ikaw pa rin naman ang inaasam. Noo’y iniisip kung saan nagkamali ngunit ngayon tila lahat ay mali. Bakit nga ba kailangan mo pa’ng makilala kung isang araw magpapanggap siyang parang hindi ka na kilala? Mga pinagsamahan ay nabaon na sa limot kaya naman ang puso’y napuno na ng poot.

Pagkatapos ng ngiti ay buntong-hininga, titingin sa itaas at sandaling tutulala. Ipipikit ang mga mata at pipigilan ang pagtulo ng luha. Maraming katanungan ngunit takot malaman ang mga kasagutan. Gaya nga ng sabi nila, mas mabuti nang hindi mo alam upang hindi ka na masaktan. Ngunit ang puso ko’y naghahanap ng sagot sa mundong pasikot-sikot. Paligid ko ay umiikot, pakiusap ko’y tanggalin na ang kirot.

Isang umaga nalaman kong may iba ka na. Lagi mo siyang kasama at ngiti niyo ay iba. Inaasar kayo ng barkada, ako ba’y nakalimutan na rin nila? Tila walang pakialam sa aking pakiramdam. Oo nga naman, hindi niyo ako makikitang magdaramdam. Magpapanggap na ayos lang, ngingiti na parang wala lang. Ngunit sa bawat sulyap ako ay hindi makakurap. Bigat ng dibdib na nadarama, tatakpan ng tela upang hindi makita.

Sa tuwing makikita siya’y tatanungin ang sarili kung ano ba ang wala ako na meron siya. Ano ba ang nakita sa kanya kaya ako’y iniwan at pinagpalit pa? Mas maganda, mas mabait, at mas matalino ba? Napupunan niya ba ang bawat patlang na hindi ko nagawang sulatan at guhitan? Mga ngiti ko ba’y hindi sapat upang puso mo ay maging akin lang dapat? Umihip ang hangin at dumampi sa akin. O ‘kay sakit isipin ang mga alaala natin na kung kaya lang ay aking buburahin.

Ngunit salamat na rin at ikaw ay nakilala ‘pagkat nalaman ko ang aking tunay na halaga. Pakiusap ko lang ‘wag ka nang bumalik pa. Kung aalis ka ay umalis na at isip ko’y ‘wag nang guluhin pa. Hindi ko kailangan ng isang taong magaling lang sa salita ngunit kulang sa gawa. Mga pangako’y iyo nang kinalimutan. Lahat yata ng iyon ay malalaking kasinungalingan. Salamat sa’yo ako’y naging matatag. Maraming bagay akong natutunan na hindi ko makakalimutan kahit pumalag.

Ito na ang huli ngunit hindi ko sasabihing ‘hanggang sa muli’ ‘pagkat sakit na dinulot mo’y ayoko nang ibalik. Ito ang wakas na nag-iwan sa akin ng bakas. Bakas na dadalhin ko hanggang bukas.