Ilang beses kong sinubukan, maniwala ka lahat ng dahilan inisip ko na
Lahat ng sakit, luha at mga sandali na sinabi kong tapos na, tama na!
Pero kulang pa din ang dahilan, hindi pa din sapat ang mga rason
Para kalimutan ka, para sa wakas makawala na ako sa mga alaala…
Isa, dalawa… tatlo, hanggang kailan pa, hanggang saan pa aabot?
Isang dahilan laban sa lahat ng rason para sukuan ka,
Iisang sagot lang, sa lahat ng tanong sa isipan ko,
Isang ikaw lang ang hindi makalimutan ng puso ko,
At laging umiikot sa isip ko, sa mga panaginip ko, sa mga alaala ko
Sapat na ba na hanggang dito na lang tayo, at paalam na?
Sapat na ba na nasaktan tayo kaya susuko na?
Sapat na ba na hindi na tayo sigurado kaya hihinto na?
Sapat na ba ang mga rason ko at dahilan mo para sa wakas, maghiwalay na?
Sapat na ba ang mga luha para masasabing sapat na!
Sa kabila ng libo-libong kadahilan na meron ako,
Bakit may iisang dahilan ang nagpapanatili sa akin para maniwalang meron pang ‘TAYO’?
Bakit hindi naging sapat ang lahat para bumitaw nalang, at ng lumaya na?
Oo, isang dahilan lang ang meron ako para manatili… ito ba ay sapat na?
Para piliin kong maniwala, piliin kong maghintay hanggang sa bumalik ka…
Sinta, sapat kana!