Tama na, Awat na.
Categories Move On

Tama na, Awat na.

Tahan na. Gising na.
Ikaw ay bumangon na.
Tama na sa pagmumukmok
At sa hobby mong pag iistalk.

Awat na sa mga pabiro mong hugot
At umpisahang hanapin ang mga sagot
Sa mga tanong na naudlot
Na tila ayaw ituloy dahil sa takot.

Umpisahan na ang pagmu-move on
Umalis sa kalungkutang sayo’y lumamon
Sakit ng nakaraan dapat ng itapon
Pagkat sa iyong panalangin, mayroon nang pagtugon.

Oo, nasaktan ka nga.
Tiwala’y ibinigay at puso’y umasa’t pinaasa
Pati mali ay pinilit mo ng gawing tama
Para sa taong akala mo’y sayo’y nakatadhana

Dumating ang araw na naghanap ka ng masisisi
At ng igagamot sa mga sugat sa sarili
Sa mga kalungkutang di maikubli
Na paulit ulit mong iniyak upang ito’y mapawi.

Tama na, Awat na
Paghihirap mo’y sapat na
Harapin ang bagong pag-asa,
Kung nais mo ay lumigaya.

Sayo’y may naghihintay, Siya’y matagal mo ng kilala
Bakit di mo subukan?, sa Kanya’y muling lumapit ka
Tulad ng dati’y lagi mong ginagawa noong ikaw ay bata pa
Lahat ng iyong pinagdaanan, sa Kanya mo ilathala.

Oras mo’y sinayang sa mga bigay ng mundo
Puso’t damdamin mo’y ibinigay sa maling tao
Nasaktan ng paulit ulit sa mga salitang tulad ng, “Ayoko na sa iyo!”
Maging sa mga binitawan niyang pangako na akala mo’y magkakatotoo.

Tahan na, Awat na.
Sinisiguro ko sayo, lahat ng ito’y mawawala.
Kung ang kaligayahan ay may katapusan
Ganoon din ang kalungkutan.

Oras na para lumaban
Tapos na ang pagiging talunan
Yakap Niya ang iyong kailangan
Pagmamahal Niya ang kasagutan
Hinihintay ka lang niya, kaibigan
Tumawag ka lang at ika’y pakikinggan.

Huwag mag-alala
Hindi siya kagaya ng iba
Sa Kanya, ikaw ay mahalaga
Mahal ka Niya at yun ay walang duda.

Unti-unting pintahan muli ng ngiti ang mga labi
Ang kaligayahang parating ay di na maikukubli
Sa pag-ibig ay hindi ka sawi
Dahil ang Diyos na Siyang pag-ibig ang sayo’y pumili
At sa Kanyang mga mata’y ika’y natatangi.

Sa pag-ibig Niya’y matututunang muling mahalin ang sarili,
Na maghintay ng mayroong ngiti,
Na lumaban hanggang sa magwagi,
Hanggang sa ika’y maging handa ng umibig muli.