Tara, Usad na
Categories Faith

Tara, Usad na

Pumasok ang 2019 nang pakiramdam mo hindi ka pa handa. Kulang na lang sabihin mo na, “teka lang, pwede bang time pers muna?” o kaya “teka lang, bakit… tapos na?”

Noong isang taon nasabi mo na rin ‘yan, pero katulad noong isang taon wala ka ring nagawa. Hindi pala uubra sa mundo natin ang time pers o time out muna. Uusad pala ang oras gustuhin mo man o hindi, uusad ang panahon, handa ka man o hindi.

Pero dumadaan ang araw na ang tanong sa isip mo’y “bakit ganoon pa rin?”

Wrong timing ba ang pagpasok ng 2019, o ikaw ang wala sa timing?

Sa gitna nang kaguluhang ito, biglang sinabi Niyang mas mabuti kung magpahinga muna tayo.

Pero.. bakit sa gitna nang maraming dapat gawin, maraming alalahanin, pagpapahinga ay Kanyang inihabilin?

At sa gitna nang kapahingahang ibinigay Niya, sinabihan ka Nya na..

“tara, usad na.”

Alam Kong nasaktan ka, nahirapan, marami ka mang sinubukan na akala mo iyon na ngunit hindi umubra. Alam ko yung mga pagkakataong nasasabi mo na tama na at simot na simot ka na. Alam ko’ng lahat nang iyon pero..

“tara, usad na.”

Nandoon Ako nung mga panahong nagtatanong ka ng “bakit?”

Kasama mo Ako nung mga panahong gusto mo na Akong talikuran. Yakap kita nung mga panahong gusto mo nang tumakbo palayo dahil para bang mga pangako Ko ay ‘di na totoo. Yakap kita habang sinisisi mo ang sarili mo sa pagkawala ng taong pinahahalagahan mo hanggang sa patuloy mong pagkapit sa pag-aakalang gagawin niya ang pangako niyang siya’y babalik. Yakap kita hanggang ngayon kaya..

“tara, usad na tayo.”

Marami ka mang pagkakamali sa nakaraan pero tandaan mong hindi ikaw ang pagkakamali mo. Lubos ang dalangin Kong makita mo iyon na paraan para hindi ka manangan sa sarili mong karunungan at ipagkatiwala mo ang lahat sa Akin, ano pa man ‘yan.

Gusto ko ring malaman mo na nandoon ako nung mga panahong napapa-“Thank You, Lord!” ka na lang dahil nasagot ang mga dalangin mo. Kasama mo rin Akong tumatalon sa saya nung nagdiwang ka ng kaarawan at doo’y naramdaman mong mahal ka. Kasama mo Ako maging sa ganoong pagkakataon pero..

“tara, usad na.”

Sobrang proud Ako sayo nung nagtagumpay ang mga plano at pangarap mo para sa nagdaang taon. Kasama mo Ako hanggang ngayon na sinasabi mong ‘di ka pa handa at para bang wala kang ka-plano plano. Kasama mo pa rin Ako kaya..

“tara, usad na tayo.”

Gusto kong malaman mo na kahit pakiramdam mo ay failure ka noong isang taon, mas marami pa ring magagandang bagay ang nangyari sayo. Lubos ang dalangin kong turuan ka nitong maniwala sa katapatan Ko sa buhay mo, na turuan ka nitong umasa sa walang hanggang biyaya Ko para sayo. Kasama mo pa rin Ako ano mang desisyon ang gawin mo ngayong taon dahil mahal kita..

Mahal kita ‘di dahil sa kung anong ginawa mo kundi dahil sa ginawa Ko sa krus para sayo. Sana’y sapat na ito para sayo, kaya…

“tara, usad na tayo.”