Tayo Na Lang Dalawa
Categories Poetry

Tayo Na Lang Dalawa

Ikaw ang tangi kong hinahangad,
Inaasam na ikaw ang guhit ng aking palad,
Saan man ako napapadpad,
Isip ko’y sayo bumabalik,lumilipad.

Hinihintay ang bawat araw,
Iyong mukha’y muling matanaw,
Sa mga yakap at halik mo ay uhaw,
Sa mga braso mo lang nais maisayaw.

Ang mga titig mo’y gusto kong angkinin,
At sana huwag na ito sa iba tumingin,
O, Mahal sana iyong dinggin,
Sa iyong pagmamahal ako’y naging alipin.

Minsan gusto ko ng makalimot,
Ng ang buhay ay di maging masalimuot,
Ang paghahangad kong ikaw ang may dulot,
Hanggang ngayo’y sa hiwaga mo parin ako ay nababalot.

Hindi ko mawari kong ano ang iyong hinahanap,
Bakit hindi mo ako makita na nasa iyong harap,
Sobrang masakit, sobrang masaklap,
Ako ang nandito, pero iba ang iyong pinapangarap.

Ganito ba talaga ang aking kapalaran?
Ang mahal ko’y iba ang hinahangaan,
Hanggang pangarap lang ba ang iyong kanlungan,
Hanggang panaginip na lang ba na ikaw ang makatuluyan?

Sa tuwing nakikita kitang may kasamang iba,
Kusang tumutulo,pumapatak ang mga luha,
Wala man akong karapatan sa aking nadarama,
Pero, lintik na puso sayo’y naloloka.

Bakit nga ba ang hirap mong iwasan,
Nakakapagod man, pero hindi kita magawang kalimutan,
Malayong mangyari ang aking inaasahan,
Nababaliw ang pusong umaasa sa kawalan.

Ayaw mo ba talaga, o baka pwede pang maging oo?
Hindi mo ba talaga ako gusto?
Hindi na ba magbabago ang tibok ng iyong puso?
At ang piliin mo na lang sana ay ako?

Hindi ba pwedeng tayo na lang dalawa?
Hindi ba pwedeng tayo na lang ang magsama?
Bakit nga ba hindi mo maipadama,
O ibalik man lang ang pag-ibig kong ikaw lang mula simula?

Kung pwede lang maisulat muli ang mga bituin,
Aayusin ko itong pabor sa akin,
Pero hindi ko hawak ang ikot ng mundo natin,
Hindi ko maipilit na ako’y iyong piliin.

Hinahangad ko na lang ang iyong kaligayahan,
Na sana makita mo ang taong tanggap ka ng lubusan,
Hindi ka lolokohin, bagkos ika’y mamahalin at pagsisilbihan,
Ngayon at hanggang sa dulo ng walang hanggan.