“Kung may time machine lang ako, ibabalik ko yung dati”
Galing yan sa isang maikling pelikula ni Mr. Ramon Bautista at Direk RA Rivera. Panahong kausuhan ng mga pelikulang tagos sa puso at kaluluwa.
Noong napanood ko ito at naibulalas itong linya, bigla akong natahimik, dumungaw at natulala, may taong biglang pumasok sa aking gunita at alaala.
Tatlong taon na simula nung huli tayong nagkausap, bibig sa bibig, mata sa mata, pero hindi para kumain sa labas o gumala, ito yung tagpong kailangan na nating magpaalam sa isa’t-isa. Hindi ako nangangamba noon ni makaramdam ng lungkot, wala, ewan ko. Siguro kailangan ko na rin huminga, kailangan ko ng espasyo, ng katahimikan, ng personal na kapayapaan , alam ko na nasa tamang pag-iisip at huwisyo ako noong mga oras na iyon, pero ito na, wala nang pipigil pa, “tapos na ang problema”, ani ko.
Hindi ko batid na iyon pala yung pinaka-maling ginawa kong desisyon sa buong buhay ko, huli ko nang napagtanto yung lahat, huli na ng malaman ko yung tunay na dahilan ng pakikiusap mo, na unawain ka, na bigyan ka ng sobrang pang-unawa, kasi may pinagdadaanan kang malala, nakasara yung mata ko sa problemang dinaranas mo, na hindi ko nauunawaan yung bigla nalang na pag-iyak mo sa bawat yakap ko sayo, hindi ko alam, ay mali, hindi ko inalam. Hindi ko inunawa, noong mga panahong nagkukwento ka, nagbingi-bingihan ako, nagagalit pako sa biglang moodswings mo, araw-araw, naririndi ako, nakakasawa, nakakapagod.
Akala ko, magiging masaya ako na wala ka, huli na nang maramdaman ko at mapagtanto yung desisyong hayaan ka mag-isa umayos ng gulo mo, hinayaan kitang umiyak mag-isa, hinayaan kitang nag-iisa. Bigla akong nakaramdam ng lungkot ng mapagtanto ko yung pinakamaling nagawa ko, kasabay ng walang humpay na pag-agos ng mga luha sa mata ko. Dalawang taon hanggang ngayon, pinagsisisihan ko at paminsan-minsan iniiyak ko pa kapag naaalala ko yung pagiging makasarili ko, oo sarili ko lang ang inisip ko at akala ko yun na mismo ang remedyo.
Kung makakabalik lang sana ako sa panahong umiiyak ka habang nagku-kwento sa akin, gagawin ko na yung pinaka-tama, kung mapagbibigyan pa ako ng isang pagkakataong makabalik sa panahong malungkot ka at kailangan mo ng ngiti at lakas mula sa akin, kahit magdamag pa akong tumabi sayo hanggang sa mapawi lahat. Kaso wala na, natapos na, gumaling at nalampasan mo lahat mag-isa, at oo, hindi ako sumama. Pinili ko noong hindi sumama, masaya ka na ngayon, kitang-kita ko sa mukha mo yung ngiti na hindi ko nakita noong panahong tayo. At naiwan ako sa pinili ko na landas na akala ko magdudulot sakin ng mas masayang bukas. Kung may Time Machine lang ako, ibabalik ko yung dati, gagawin ko na yung tama. Gagawin ko yung dapat noon ko ginawa.
Kung may Time Machine ako, ibabalik ko yung dati.