Salamat.
Isang salita na malayo sa aking nararamdaman noong matapos ang lahat sa pagitan nating dalawa.
Isang salita na hindi ko kailanman inakala na maiisip o masasabi ko sa’yo.
Lalo na noong mga panahong nasasaktan ako nang husto.
Noong mga panahong halos gabi-gabi ay nakakatulugan kong basa ng luha ang aking mata, pisngi at unan dahil lang sa naiisip ka.
Noong mga panahong tinatanong ko ang sarili ko kung ano ba ang aking halaga.
Noong mga panahong halos hindi ako dalawin ng antok at hindi ako makakain nang maayos dahil abala ako sa pagtatanong sa aking isip ng maraming bakit.
Noong mga panahong sinisisi ko ang sarili ko kung bakit kailangang umabot tayo sa ganito.
Kung bakit kailangang mong bumitaw at iwanan ako.
Kung bakit kailangang saktan mo na naman ang damdamin ko..
Nang paulit-ulit.
Iyon ‘yung mga panahon na halos mawalan na ako ng pag-asa at nawawalan na nang gana.
Sinira mo kasi ang lahat ng mga plano ko para sana sa atin, sa hinaharap, na kahit pumuti pa ang mga buhok ay tayo pa rin ang magkasama.
Sinira mo ang pangarap kong sa huli ay tayo pa ring dalawa.
Napuno ako ng hinanakit at galit.
Akala ko nga ay hindi na ako makakaahon pa.
Na habambuhay na lang akong magiging malungkot nang dahil sa iyong pagkawala.
Pero hindi pala.
‘Yung mga akala ko ay nagbago.
Bigla, isang araw ay napagod ako..
Napagod ako sa miserableng pakiramdam.
Napagod ako sa paulit-ulit at ilang beses na nasasaktan.
Napagod ako sa mga tanong sa aking isipan na wala namang kasagutan.
Napagod akong umiyak at lumuha para sa taong ‘di makita ang aking halaga.
Napagod ako.
Napagod sa mga bagay na negatibo.
Sa mga bagay na akala ko ay kailangan ko.
Napagod ako sa kakaisip kung bakit hindi na tayo.
Napagod akong ipagpilitan ang sarili ko para lamang mahalin mo.
Napagod akong umamot sa katiting na oras na ibinibigay mo.
Napagod akong kausapin ka.
Napagod akong maghintay.
Napagod akong intindihin ka.
Napagod akong pakisamahan ka.
Napagod akong manatili sa tabi mo.
Napagod akong mahalin ka at kaakibat niyon ay ang makaramdam ng sakit.
Alam mo kung ano ‘yung mas ikinapagod ko?
Ikaw mismo.
Nakakapagod ang lahat-lahat sa’yo.
Hindi ko man inaakala na darating ako sa puntong ito..
Pero gusto ko pa ring magpasalamat sa’yo.
Dahil sa dami nang panahon na sinayang ko dahil sa nabulag ako.
Sa pagnanakaw ng kasiyahan ko sa mga panahong magkasama pa tayo.
Salamat.
Salamat dahil sa’yo ay nabuksan ang mata ko.
Sa halip na tignan ko ang mga kakulangan ko.
Ang mga bagay na hindi mo sa akin gusto at mga kaimperpektuhan ko ay nagawa kong yakapin ang lahat ng ito.
Nagawa kong makita ang halaga ko hindi base sa kung paano ako itrato ng isang katulad mo.
Salamat.
Dahil nagawa mong ilagtas ako hindi sa’yo, kundi sa sarili ko na hindi ko makaya-kayang gawin noon.
Kung paano ko nagagawang saktan ang sarili ko dahil sa estupidong pagmahahal na mayroon ako sa’yo.
Kung paano ko nagagawang saktan ang sarili ko dahil sa kagustuhan at pagtitiis kong manatili sa tabi mo kahit na ramdam ko naman na wala na talaga akong halaga sa’yo.
Salamat.
Dahil hindi mo na pinatagal pa ang paghihirap ko.
Tinapos mo ang isang bagay na pinaniwalaan kong hanggang dulo ay totoo.
Tinapos mo ang isang bagay na hinding-hindi ko kayang tapusin nang gano’n na lamang.
Salamat.
Dahil sinaktan mo ako, sa huling pagkakataon.
At dahil doon ay natuto ako.
Oo, masakit.
Masakit ang mawala ka.
Pero mas magiging masakit sa akin kung mananatili ka pa sa tabi ko at paulit-ulit mo akong patayin kahit na buhay pa ako.
Salamat.
Dahil sa binago mo ang pananaw ko na dati, ang akala ko ay ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko.
Ngunit mali pala ako.
Maling-mali ako.
Ngayon ko nakikita kung gaano kaganda ang mundo ko kapag wala ka.
Tahimik, walang gulo at mapayapa.
Salamat.
Dahil sa akala ko ay kailangan kita sa buhay ko at hindi na ako mabubuhay pa kapag wala ka.
Ngunit mali na naman ako.
Ngayon ko napatunayan na kaya ko pala.
Dahil sa totoo nga n’yan ay buhay pa ako at humihinga pa.
Kinakaya ko ang bawat araw at nakakabangon kahit na wala ka.
Sumasaya ako sa simpleng bagay na nakikita ng aking mata.
Salamat.
Salamat sa mga panahong binalewala mo ako at isinantabi.
Ngayon ko naintindihan at nakita na hindi ako nararapat na makatanggap niyon sa’yo o kahit na kanino man.
Salamat sa mga panahong hindi mo ako minahal katulad nang pagmamahal ko sa’yo.
Ngayon ako natutong ibaling sa sarili ko ang pagmamahal na mayroon ako sa’yo noon.
Natuto akong mahalin ang sarili ko nang buo, kasama na ang madilim na bahagi ng pagkatao ko at mga kaimperpektuhan ko.
Salamat sa pagwasak ng puso ko sa maraming piraso.
Dahil doon ay natuto akong pulutin ang mga ito nang magisa, pagdikit-dikit at buuing muli para sumaya.
Salamat sa pangiiwan at hindi pananatili.
Dahil doon ay natutunan ko na h’wag nang umasa pa sa mga bagay na alam ko namang panandalian lamang at hindi magtatagal.
Iniligtas mo ako sa pangmatagalan at panghabambuhay na kalbaryo sa piling mo.
At salamat sa maraming pagkakataon na pinaluha mo ako.
Balde-balde man siguro kung susumahin ang mga iyon..
Pero, salamat..
Dahil doon ay natagpuan ko ang kamay na handang punasan at tuyuin ang luha sa pisngi ko..
Natagpuan ko ang pusong kay init na tinunaw ang mga hinanakit at galit ko sa’yo..
Natagpuan ko ang taong ginagawa ang lahat mapangiti lamang ako..
At higit sa lahat ay ang taong minamahal ako nang higit pa sa pagmamahal na inalay ko sa’yo.