Una at Huli
Categories Relationships

Una at Huli

UNA AT HULI

Unang iniisip pagmulat ng mga mata

Kumain ka na ba? O gising ka na ba?

Oo nga may pasok ka, baka nga

Bumiyahe ka na.

Unang iniisip kapag nakikita ko sila

Sila na magkahawak ng kamay,

Sila, sa isa’t isa’y kumakaway

Ako, na mag-isa, walang kasabay

Unang pinangarap ko,

Pagkatapos ng mahabang panahon

na pinahinga ang puso at binaon

sinara sa lahat upang makabangon

Unang naaalala ko sa bawat musika

Na maririnig ng aking tenga

Dinaramdam ang bawat himig

Umaaasang ito sana ay iyong tinig

Unang mukha na pumapasok sa aking isip

Sa pagsara ng mga mata kong takot sa ihip

Ng hangin at baka malanghap ko

Ang amoy ng damit mo na nakasabit

sa aparador ko

Hindi ka pa nasiyahan

Hindi mo lang inumpisahan

Sinakop mo na pati

Ang bawat katapusan

Huling sumasagi sa aking isipan

Bago ipahinga ang aking katawan

Sa buong araw na paguran

Sa pinili kong maging tahanan

Huling pangalang ninanais ko

Na sana man lang kahit huling pagbati

Ay matanggap ko mula sayo

Na sana man lang mabasa ang pangalan mo

Oo, sa pagsapit ng gabi,

Sa huling minuto ng araw na ‘to

Umaaasa ako kahit alam kong malabo

Na maaalala mong naghihintay ako

Sa huling pagkatataon, naghintay ako

Sa mensahe mong baka makapagbago pa

Ng isipan mong gulong gulo

magulo ba talaga? Ay hindi pala

Dahil ang naaalala ko

Mula sa huling mensahe mo

Buong buo na ang desisyon mo

Ayaw mo na sa piling ko

Ayaw mo na sa kalokohang ito,

Ayaw mo ng kalabanin ang tadhana

Dahil sino ba nga naman ang magtatangka

Na sumubok pa kahit imposible na

Kaya sa aking huling talata

Aking ipapanata na hindi na ako aasa

Na bumalik ka pa at ako ay isalba

Sapagkat tapos ang ating maikling istorya